GENERAL SANTOS CITY – Hindi bababa sa 8,000 katao ang mawawalan ng trabaho kasabay ng ipinatupad na lockdown sa General Santos City Fishport Complex, simula nitong Miyerkoles,
September 2, 2020.
Sa isang panayam, sinabi ni SOCCSKSARGEN Federation of Fishing and Allied Industries, Inc. (SFFAII) executive director Rosana Contreras, inaasahang 8,000 fish traders at manggagawa sa fishport ang mawawalan ng trabaho sa apat na araw o higit pa na tigil operasyon ng naturang pasilidad.
Dagdag pa niya, sa naturang hakbang ay aabot sa higit P400 million ang revenue losses o mawawalang kita sa fishport complex dulot ng mga naitalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) na inuugnay sa GenSan Fishport.
Kasabay ng ipatutupad na lockdown sa fishport ay isasagawa ang malawakang contact tracing at disinfection sa lahat ng market areas sa lugar.
Ayon sa isang pahayag, sinabi ni SFFAII president Andrew Philip Yu, ang naturang hakbang ay isang malaking sakripisyo para sa lahat lalo na sa maliliit na mangingisda.
Subalit kailangan aniya itong gawin upang matiyak ang kaligtasan ng lahat mula sa nakamamatay na sakit.
Napag-alaman na kabilang sa maapektuhan ng lockdown ang operasyon ng Markets 1, 2 at 3 kung saan hindi bababa sa 520 metric tons ang dinidiskargang fish catch kada araw.
Magugunitang nagpatupad na ng istriktong health protocols ang lokal na pamahalaan at Philippine Fisheries Development Authority sa naturang pasilidad noong Biyernes kung saan hindi pinapapasok ang mga taong walang ‘bar code’ na inisyu mula sa PFDA.
Mahigpit ding ipinatutupad sa lugar ang minimum health standards partikular na ang social distancing, pagsuot ng face mask at face shield. (BONG PAULO)
147
