Covid deaths sa Valenzuela sumipa sa 158 22 PATAY SA LOOB NG APAT NA ARAW

UMABOT sa 22 katao ang namatay sa lungsod ng Valenzuela dahil sa COVID-19 sa loob ng apat n araw.

Nabatid mula sa City Health Office-City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), hanggang alas-11:00 ng gabi noong Setyembre 4 ay 158 ang namatay sa lungsod dahil sa pandemya mula sa 136 sa parehong oras noong Agosto 31.

Bukod dito, umakyat na sa 5,200 ang COVID positive sa lungsod. Sa bilang na ito, 3,930 ang gumaling at 1,112 ang active cases.

Samantala, bumababa na ang nadaragdag na confirmed cases sa Malabon, at ayon sa City Health Department, lima lamang ang nadagdag na confirmed cases noong Setyembre 6. Umabot na sa 4,187 ang positive cases sa lungsod at 668 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay naitala mula sa Barangay Flores (1), Longos (3) at Maysilo (1).

Nadagdagan naman ng 26 ang mga pasyenteng gumaling. Ang mga ito ay mula sa Barangay Hulong Duhat (1), Longos (19) at Tinajeros (6). Sa kabuuan ay 3,357 ang recovered patients.

Noong Setyembre 5, huling may naitalang namatay na COVID patient sa Malabon. Ito ay mula sa Barangay Potrero at pang-162 COVID casualty ng lungsod.

Patuloy naman ang pagbaba ng bilang ng mga nadadagdag na kaso sa Navotas City at apat lamang ang naitalang bagong kaso noong Linggo habang 22 ang mga gumaling.

Kaugnay nito, ikinadismaya ni Mayor Toby Tiangco ang mga larawan sa social media kung saan nakikitang nagkukumpulan ang mga magkakaibigan para kumuha ng “groupies.”

“Dati, ang ganitong mga eksena ay nakatutuwa dahil nakikita natin ang bonding ng mga magkakaibigan. Pero sa ngayon na marami ang nagkakasakit, nawawalan ng trabaho at namamatay dahil sa COVID-19, ang mga ganitong eksena ay nagpapakita lamang ng kawalan ng pagmamalasakit sa sarili at sa kapwa,” ayon sa alkalde.

Aniya, nasa general community quarantine (GCQ) na ang lungsod pero hindi ibig sabihin ay pwede nang maging kampante at pabaya. Kailangan pa rin umano ng ibayong pag-iingat dahil nariyan pa rin ang panganib na mahawaan ng nakamamatay na virus.

Kaya patuloy rin ang istriktong pagpapatupad ng mga patakaran lalo na sa pagsusuot ng face mask at pagsunod sa 1-2 metrong physical distancing.

“Walang second chance sa mga ganitong violation dahil ang virus ay di rin naman kumikilala ng second chance. ‘Pag nahawaan ka, maaaring wala kang maramdaman pero maaari ka ring mamatay.

Pati pamilya mo at lahat ng mga nakasama ay maaari pang madamay,” ani Tiangco.

Nakiusap din ang punong-lungsod sa nasasakupan na sa pagbaba ng mga kaso sa lungsod, sana ay hindi na ito hayaang muli pang tumaas at mas tumagal pa ang paghihirap ng lahat. Hiniling din niya ang pagsunod sa mga patakaran para wala nang mahahawaan pa, at iginiit na pakikiisa ang tatapos sa pandemya. (ALAIN AJERO)

179

Related posts

Leave a Comment