ARESTADO sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad ang isang hinihinalang tulak at tatlo pang kasama nito sa Sta. Cruz, Manila noong Linggo, Setyembre 6.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at at RA 10591 (Comprehensive Laws on Firearms and Ammunition Regulation Act) ang mga suspek na kinilalang sina Sadam Angkad y Salisit, 29; Aileen De Guzman y Manalang, 33; Louie Jay Paulino y Oliva, 33, at Joy Dematera y Costales, 31-anyos.
Ang mga suspek ay nadakip sa buy-bust operation ng mga awtoridad sa Aurora Blvd. malapit sa panulukan ng F. Fugoso St., Barangay 310 sa Sta. Cruz.
Base sa isinumiteng ulat ni P/Capt. Pidencio Saballo Jr., hepe ng Station Drugs Enforcement Unit, kay P/Lt. Col. John Guiagui, station commander ng Manila Police Station 3, nakatanggap sila ng
impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek na si Angkad sa nasabing lugar.
Agad umaksyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip kay Angkad at tatlo pang kasama nito.
Nakumpiska sa mga suspek ang 154 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P1,056,040 ang halaga, isang baril at isang motorsiklo. (RENE CRISOSTOMO)
156
