ISINUSULONG ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. na maging isang batas ang S. No. 1810, “Freelancers Protection Act” sa ilalim ng Committee Report No. 109, upang matulungan ang mga freelance worker sa bansa lalo na ang mga nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya.
Sa kaniyang co-sponsorship speech, sinabi ni Revilla na dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga freelance worker dapat na matulungan ang mga ito.
Ayon kay Revilla, dahil sa pagyabong ng information at communication technology, libu-libong oportunidad ang nabuksan sa mga kababayan na nais subukan ang pagtatrabaho sa bahay o sa kahit saang nais nilang lugar.
Nagkaroon din aniya ng pagkakataon ang mga Filipino na magtrabaho sa oras na nais nila at nagkaroon din ng oportunidad na makatrabaho ang mga foreign client.
Ayon umano sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang “Employment Situation in January 2019” na inilabas noong nakaraang Hulyo ay nasa 26.2 porsiyento ng kabuuang nagtatrabaho ay self-employed, habang ang unpaid family ay nasa 4.7 porsiyento at ang nagpapatakbo ng sariling bukirin o negosyo ay nasa 3.3 porsiyento.
Idinagdag pa ni Revilla na layon din ng panukala na bumuo ng registry of freelance o freelance association upang makatulong din sa pamahalaan na maipon ang tamang statistics at database na sa
kalaunan ay makakuha ng suporta at alalay.
“Kung magiging batas ito sa lalong madaling panahon ay malaking tulong ito sa mga kababayan nating walang masandalan partikular ang mga freelance worker na marami na ngayon sa ating bansa,” pagwawakas pa ni Revilla. (NOEL ABUEL)
124
