(NI JEDI REYES)
NAHAHARAP ngayon sa mga reklamong kriminal ang limang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin ang isang mambabatas dahil sa umano’y overpriced na family food packs para sa mga bakwit ng giyera sa Marawi City.
Batay sa inihaing complaint sa Office of the Ombudsman, itinaas umano ang presyuhan sa P515 kada family food pack gayung aabot lang sa P318 ang halaga nito sa merkado.
Kabilang sa mga sinampahan ay sina DSWD-SOCCSKSARGEN Director Bai Zorahayda Taha, DSWD-SOCCSKSARGEN accountant Rohaifa Calandaba at tatlong iba pa na sinasabing tumanggap ng kickback na mahigit P224 milyon sa pagbili ng 1.1 milyong family food packs.
Dawit din sa reklamo si South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand Hernandez dahil kapatid niya ang may-ari ng Tacurong Fitmart na pinagbilhan ng mga food pack. Sa mismong bahay pa umano ni Hernandez ni-repack ang food packs.
Inireklamo rin ang kabiguang maipamigay ang lahat ng food packs na ngayo’y inuuod na.
193