NANINIWALA ang Joint Task Force COVID Shield na hindi dapat magkaaway ang siyensya at relihiyon.
Tugon ito ni JTF Covid Shield commander P/Lt Gen Guillermo Eleazar kaugnay sa pahayag ng isang influential leader ng Simbahang Katoliko hinggil sa hindi pagtalima ng mga mananampalataya sa ipinatutupad na minimum health requirement ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Eleazar, lubos nilang nauunawaan ang personal opinion ni dating Lipa City Archbishop Ramon Arguelles.
“As a Roman Catholic myself, I believe that the Almighty God is the Great Healer and the reason why our nation continues to stand its ground despite the adverse impacts of the corona virus disease (COVID-19) pahayag ni P/Lt Gen Eleazar.
Sa isang misa, inihayag ni Archbishop Arguelles na: “Hindi solution ang face mask, especially exaggerated. Hindi solution ang social distancing. Lalo lang iikli ang buhay mo sapagkat nilalanghap mo sarili mong carbon dioxide. Dapat oxygen ang ating nilalanghap, no? Hindi ito ang real solution.”
“Hindi na kailangan ‘yang mask, hindi na kailangan ‘yang face shield, hindi na kailangan ‘yang distancing. Bakit? Mahal tayo ng Diyos at mahal natin Siya… He is the great healer. ‘Pag ang Diyos nasa atin, you don’t have to worry,” anang arsobispo.
Ayon kay Eleazar, ang Joint Task Force COVID Shield ay ginagabayan din ng “Nasa Diyos ang Awa, Nasa Tao Ang Gawa.”
‘BUDDY SYSTEM’
Samantala, nagsanib-puwersa ang dalawang Philippine National Police-led task force laban sa COVID- 19 para pag-isahin at magamit nang husto ang binalangkas na action plans para maisawan ang pagkalat ng coronavirus at matutukan din ang kalagayan ng mga nangangalaga sa mga infected Filipino.
Ayon kay Eleazar, ang kanilang unang hakbangin katuwang ang PNP’s Administrative Support for COVID-19 Task Force (ACOTF) na pinamumunuan ni Police Lieutenant General Cesar
Hawthorne Binag ay suriin ang lahat ng quarantine at swabbing facilities na pinamamahalaan ng PNP.
“The guidelines given by the Chief PNP, Police General Camilo Pancratius Cascolan is for the two task forces, the JTF COVID Shield and the ASCOTF, to coordinate closely so as to ensure that the mandate will be pursued and followed,” paliwanag ni PLt. Gen. Eleazar.
Kaugnay ito ng ‘buddy system’ na pinasimulan ni Cascolan upang ang mga top official ng PNP ay magsanib-puwersa para mapaganda ang serbisyo sa taumbayan.
Sa pagkakataong ito, ang ‘buddy system’ sa pagitan nina PLt. Gen. Eleazar at PLt. Gen. Binag na kapwa kasapi ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1987 ay magsasanib puwersa sa paglaban sa COVID-19.
Base sa datos ng PNP, umaabot na sa 5,650 PNP personnel ang nagpositibo sa COVID-19 habang nasa 4,407 pa lamang ang gumaling at umaabot naman sa 17 ang nasawi. (JESSE KABEL)
