EXPANSION NG METRO MANILA NAGSIMULA NA NGA BA?

MAY mga espikulasyon na sa loob ng lima hanggang ­sampung taon ay masasakop na ng Metro Manila ang apat na mga lalawigan na nakapalibot dito.

Ito ay ang Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna na pawang mga katabi lamang ng Metro Manila.

Maraming mga proyekto ngayon ang gobyerno na magdudugtong sa apat na lalawigang ito sa Metro Manila.

Kabilang sa mga ito ay ang North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) at ang Skyway project na malapit nang matapos.

Ang mga kalyeng ito ay ginagawa ng kasalukuyang ­Administrasyon ni Pangulong ­Rodrigo Duterte para mabawasan ang maraming sasakyan na dumadaan sa EDSA. Mula Bulacan hanggang Laguna na ang diretso ng mga sasakyan na hindi na babaybay sa EDSA.

Nariyan din ang harbor link na magdudugtong naman sa Bulacan patungo sa North at South harbor o pier.

May mga bagong highway na rin patungong Cavite mula sa ­Metro Manila. Malapit na rin matapos ang MRT 7 patungong San Jose City sa Bulacan. May MRT na rin na nagdudugtong sa Antipolo City at Metro Manila.

Nitong nakaraang Oktubre 8, 2020 ay nagkaroon ng ground breaking ng ferry terminal project ni Cong. Fidel Nograles sa Cardona, Rizal na magdudugtong ng ferry terminals sa Metro Manila mula Rizal province.

Ang mga proyektong ito ay nagpapakitang nagiging malapit na ang Metro Manila sa apat na mga nabanggit na lalawigan.

Dahil sa ferry terminal project ni Cong. Nograles sa Cardona, Rizal ang dating 3 oras na biyahe patungo sa Metro Manila ay magiging 45 minuto na lang.

Malaking kabawasan sa oras na igugugol ng mga taga-Rizal ­patungo sa Metro Manila pag natapos na ang ferry terminal project na ito.

Ganun din ang iba pang transportation projects na tulad ng NLEX to SLEX skyway project ay malaki rin ang matitipid sa gasolina at oras sa mga dumadaan dito kung ikukumpara sa regular na kalye sa ibaba.

Siyempre kasunod ng mga proyektong ito ay ang mabilis ng pagunlad ng apat na lalawigan dahil magiging mabilis na ang daloy ng kanilang mga produkto patungo Metro Manila o vice versa.

Dadami rin ang mga negosyo sa apat na lalawigang ito dahil parang Metro Manila na rin sila na magiging mabilis na ang daloy ng kanilang kalakalan.

Kung anong negosyong makikita sa Metro Manila ay posible na rin magkaroon sa Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Ang mga lalawigang ito ay nakapalibot lang sa Metro Manila kaya sa mga susunod na mga taon ay maaari nang masakop ito ng National Capital Region (NCR) na tinatawag o Metro Manila.

Sisimulan na rin ang New International Airport sa Bulakan, Bulacan na hahawakan ng San Miguel Corporation (SMC) ni Ramon Ang.

Bagamat malabo pang maisama ang Pampanga sa expansion ng Metro Manila ay nagsimula na rin ang proyekto ng Clark City na Hong Kong City style.

Mayroon ding International Airport na nakatakdang itayo sa Sangley Point sa Cavite City.

Sana sa susunod na uupong presidente pagkatapos ng 2022 presidential elections ay dapat niyang ipagpatuloy ang nasimulang mga proyekto ng kasalukuyang administrasyon na para sa sambayanang filipino.

Sa kasalukuyang administrasyon ay kaliwa’t kanang infrastructure projects ang kanilang ginagawa na ang makikinabang ay ang susunod na administrasyon.

Kung gusto talaga nating umunlad ang bansa natin, ang mga magagandang proyekto ng mga sinundang administrasyon ay dapat na ipagpatuloy.

Para hindi rin nasasayang ang pondo ng gobyerno.

Ang pagunlad ng inang bayan ay nakasalalay sa mga namumuno sa pamahalaan.

Kaya kung palpak ang namumuno lagpak ang bayan ni Juan.

Sa halip na pasulong ay nagi­ging paurong dahil sa kawalan ng direksyon ng pamunuan.

Sana maayos na ang gusot sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ingat-ingat din pag may time.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

165

Related posts

Leave a Comment