INIHAYAG ni Senador Cynthia Villar na inaprubahan ng komite sa Senado ang isang joint resolution na inaatasan ang paggamit ng sobrang koleksiyon na sinisingil ng Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ng rice tariffication law bilang cash assistance sa magsasaka ng palay na isasama sa General Appropriations Act of 2021.
Sa pahayag, sinabi ni Villar, chairman ng Senate committee on agriculture, na makatutulong ang Senate Joint Resolution No. 12 sa magsasaka ng palay upang makayanan nila ang masamang epekto ng corona virus 2019 (COVID-19) pandemic sa kanilang kabuhayan.
“We move to approve this Senate resolution that we are giving all the excess, whether it’s 2019, 2020 or wherever, to the cash assistance to the rice farmers owning 1 hectare [of land] and below which is numbering 600,000, para matulungan naman natin sila in this time of pandemic and oversupply of rice in the Philippines,” aniya sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on
Agriculture, Food at Agrarian Reform, Finance Ways and Means nitong Biyernes.
Sinegundahan naman ni Senador Imee Marcos ang mosyon.
Pero, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na dapat hindi nakapako ang cash assistance sa 600,000 rice farmers na tinatayang bilang ni Villar.
“The data that we have is about 1.1 million farmers ang nasa category ng 1 hectare and below,” ayon kay Dar sa ginanap na pagdinig.
Tinukoy ni Villar sa joint resolution na ang Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law na naging epektibo noong 2019 na inaatasan ang paglalaan ng P10 bilyon kada taon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) upang mapaunlad ang rice sector.
Nakapagbibigay ng taunang kita ang batas sa pag-aangkat ng bigas na lumampas sa P10 bilyon sa loob ng anim na taon kasunod ng pagpapatupad ng batas kaya ilalaan ng Kongreso ang sobra at isasama ito sa GAA sa susunod na taon para sa financial assistance sa magsasaka ng palay, pagtititulo ng kanilang sakahan, pagpapalawak ng crop insurance sa bigas at crop diversification program.
Sinabi ni Villar na base sa datos ng BOC, umabot na sa P13.68 bilyon ang koleksiyon ng buwis sa inangkat na bigas sa ilalim ng Rice Tariffication Law mula Enero hanggang Setyembre.
“I saw in the budget of [Department of] Agriculture, they are putting another amount of more than P1 billion for crop diversification, which I think we should put na lang (instead) on the financial assistance to rice farmers together with this tentative P3.6 billion,” aniya. (ESTONG REYES)
290 