IDINEKLARA ng Pilipinas at Vietnam na “non-negotiable” ang pagpapanatili ng kapayapaan, katatagan, at freedom of navigation sa South China Sea habang higit pang pinalalim ng dalawang bansa ang kanilang ugnayan sa larangan ng depensa, ekonomiya, agrikultura, at digital cooperation.
Ito ang binigyang-diin nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vietnamese President Tô Lâm matapos ang bilateral talks sa Malacañang noong Lunes kasabay ng two-day state visit ng lider ng Vietnam sa Maynila.
“As fellow claimant states, we reaffirm that maintaining peace, stability, and the freedom of navigation and overflight in the South China Sea remains non-negotiable,” ayon kay Pangulong Marcos.
Kasunod nito, nilagdaan ng Pilipinas at Vietnam ang renewal ng 2010 memorandum of agreement on defense cooperation, na inaasahang magpapalakas sa joint capabilities ng dalawang bansa sa maritime security, military education, at disaster risk reduction and management.
“This strategically important framework will significantly bolster our joint capabilities in maritime security, military education, and disaster risk reduction and management,” ani Marcos.
Muling tiniyak ng dalawang bansa ang kanilang commitment sa mapayapang resolusyon ng mga maritime dispute batay sa international law, partikular sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 South China Sea Arbitral Award.
“We stand resolute in our commitment to the peaceful resolution of disputes, grounded firmly in international law, particularly the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) and the 2016 South China Sea Arbitral Award,” dagdag ng Pangulo.
Ang arbitral ruling noong 2016 ay nagpawalang-bisa sa malawak na “nine-dash line” claim ng China sa South China Sea, bagama’t patuloy itong binabasura ng Beijing. Hindi man bahagi ng arbitration case ang Vietnam, matagal nang isinusulong ng Hanoi ang pagsunod sa UNCLOS at international law sa pagresolba ng maritime disputes.
Bukod sa depensa, itinutulak din ng dalawang bansa na palawakin pa ang bilateral trade na lampas sa target na USD10 bilyon habang pinalalakas ang kooperasyon sa agrikultura, manufacturing, green technology, at digital economy.
Sinabi ni Marcos na nananatiling mahalagang trading partner ng Pilipinas ang Vietnam at layunin ng magkabilang panig na lumikha ng mas balanseng investment environment para sa two-way investments.
Pinagtibay rin ng dalawang bansa ang kanilang kooperasyon laban sa cyber-enabled crimes at iba pang transnational threats gaya ng internet fraud, human trafficking, illegal gambling, at people smuggling.
“We have agreed to address these challenges decisively through accelerated intelligence sharing and coordinated law enforcement actions,” ani Marcos.
Kasabay nito, nilagdaan ng Department of Information and Communications Technology at Vietnam’s Ministry of Science and Technology ang isang kasunduan hinggil sa information technology at digital transformation.
Saklaw ng kasunduan ang digital inclusion, e-governance, cybersecurity, at emerging technologies.
Inihayag din ng Pangulo ang plano ng dalawang bansa na maglunsad ng joint initiatives sa animation at game development, na nakikita bilang mga potensyal na growth area para sa technology-driven workforce ng Pilipinas at Vietnam.
Ang pagpapalalim ng relasyon ng Maynila at Hanoi ay isinagawa bago ang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng diplomatic relations ng dalawang bansa sa 2026 at kasabay ng pag-upo ng Pilipinas bilang chairman ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
(CHRISTIAN DALE)
62 