TUMAGILID ang isang delivery truck ng isang online shopping company matapos umanong mabigla ang driver sa nakalilitong disenyo at railings sa bahagi ng Gibanga Bridge sa Maharlika Highway sakop ng Barangay Calumpang, Tayabas City, Quezon, noong madaling araw ng Sabado.
Ayon sa imbestigasyon ng Tayabas City Police, bandang alas-4:23 ng umaga nang bumangga ang minamanehong truck ng 39-anyos na driver sa konkretong barrier ng tulay habang patungong Sariaya.
Ayon sa driver, nabulaga ito sa gutter at mga barrier na nasa pagitan ng magkakadugtong na bahagi ng tulay kaya hindi niya agad naitama ang direksyon ng sasakyan.
Dahil sa lakas ng impact, tumagilid ang truck na matinding napinsala, bagama’t himalang hindi nasugatan ang driver.
Ayon naman sa ilang motorista, ilang beses nang nagdulot ng aksidente ang naturang bahagi ng Gibanga Bridge matapos itong gawing apat na lane ngunit nanatiling magkahiwalay ang lumang tulay at mga idinagdag na lane, dahilan upang magkaroon ng magkakasunod na railings at harang na nakalilito umano sa mga dumaraan.
Dahil dito, nananawagan ang mga motorista sa kinauukulan na repasuhin at baguhin ang disenyo ng tulay upang maiwasan ang panibagong aksidente at masiguro ang kaligtasan ng mga motorista na gumagamit ng pangunahing lansangang ito.
(NILOU DEL CARMEN)
71 