Residente pila-balde sa rasyon KAKULANGAN SA TUBIG SA QUEZON TUMITINDI

LITERAL na pila-balde ang nararanasan ng mga residente nang dumami ang mga bayan at lungsod sa Quezon Province na nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig dahilan upang magpatupad ng mas pinaigting na water rationing ang mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente.

Sa Lucena City, umabot na sa ilang mga lugar ang matinding kakulangan sa tubig kung saan kinailangang maghatid ng mga water tanker ang city government nang makaranas ng limitadong suplay mula sa PrimeWater Quezon Metro.

Dahil sa lumalaking pangangailangan, nanawagan ang mga opisyal ng barangay sa mga residente na maging mahinahon at makipagtulungan sa mga kawani at volunteer na nagsasagawa ng distribusyon ng tubig, habang inaayos ang sitwasyon sa mga apektadong lugar.

Sa Alabat, Quezon, nagpapatuloy rin ang araw-araw na pagrarasyon ng tubig dahil sa kakulangan ng water resources, habang tiniyak ng lokal na pamahalaan na patuloy nitong pinangangasiwaan ang water system ng bayan at naghahanap ng mga pangmatagalang solusyon upang mapabuti ang suplay.

Maging sa Tayabas City at Tagkawayan ay nagsasagawa na rin ng regular na water rationing matapos maapektuhan ng limitadong suplay ng tubig.

Sa Tagkawayan, iniugnay ng mga awtoridad ang problema sa mahinang daloy ng tubig mula sa Sakang River at pagbaba ng groundwater level na siyang pinagkukunan ng suplay sa ilang lugar.

Habang wala pang agarang solusyon sa lumalawak na suliranin, umaasa ang libu-libong residente sa tuloy-tuloy na rasyon ng tubig mula sa mga lokal na pamahalaan, Bureau of Fire Protection, at mga water district upang matugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

(NILOU DEL CARMEN)

61

Related posts

Leave a Comment