IDINEPENSA ni House public account committee chairman Mike Defensor ang kanilang rekomendasyon na kasuhan ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang matuto aniya ang mga itong pangalagaan ang pondo ng mga miyembro.
Ayon kay Defensor na kinatawan ng Anakalusugan party-list sa Kamara, bagama’t polisiya lamang ang trabaho ng PhilHealth at ang executive committee member ang nagpapatupad ng lahat ng programa, kailangang panagutin din ang mga ito dahil sa kanilang pagpapabaya.
“Tama naman yun no, kung minsan may policy pagkatapos aaprubahan nila at iba na ang magiging implementation. Pero batay sa amin pananaw hindi dapat ganun. Dapat matuto ang mga kasamahan natin sa board sa PhilHealth [na] maging maingat sila at pangalagaan nila ang pondo,” ani Defensor.
Unang inirekomenda ng komite ni Defensor na isama sa kakasuhan sa katiwalian sa PhilHealth ang mga board member nito sa pangungunan ng kanilang chairman na si Secretary Francisco Duque III.
Kabilang din sa mga miyembro ng PhilHealth board na pinakakasuhan sina Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista, Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado at Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez.
“Nung aprubahan nila (PhilHealth board) ang all case rate, sabi namin, hindi …liable kayo dyan dahil nga nakita namin…every year nakikita natin ang violations sa COA (Commission on Audit), ang inyong overpayments at nagpatuloy itong ginagawa..pagpapatuloy ng all case rate na kung saan batay sa ating pag-aaral eh humigit kumulang sa P150 billion ang nawawala na sa pondo ng PhilHealth,” ayon pa kay Defensor.
Wala umanong ginawa ang mga board member nito para pigilan ang katiwalian sa all case rate gayung 2013 pa lamang ay may report na ng katiwalian ang COA sa nasabing sistema.
Kabilang sa kasong inirekomenda ng komite ni Defensor laban sa PhilHealth board ay “gross negligence” partikular na sa kaso ng Interim Reimbursement Mechanism kung saan unang ini-release ay P30 billion subalit P15 billion lamang ang ipinamudmod sa mga ospital matapos palagan ng mga mambabatas dahil maging ang mga pagamutan na walang kakayahang gumamot ng COVID-19 ay binigyan ng advance payment. (BERNARD TAGUINOD)
168
