TRIAL & ERROR NG MMDA SA TRAPIK PALPAK

IMBES na magluwag ang daloy ng mga sasakyan tulad ng ­inaasahan ng Metropolitan Manila Development ­Authority (MMDA) sa ginawa nilang pagsasara ng mga u-turn slots sa EDSA ay taliwas ang naging resulta.

Pagpasok nitong Disyembre 1, 2020 ay nagsimulang bumigat ang trapik sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Kinabukasan, Disyembre 2 ay lalo pang lumala ang trapik at mistulang napakahabang parking lot ang kahabaan ng EDSA.

Baybayin mo ang Mindanao Avenue kung papunta ka ng Valenzuela, Novaliches, at palabas ng North Luzon Expressway (NLEX) ay talaga nga namang usad pagong ang daloy ng mga sasakyan.

Grabe rin ang trapik sa Commonwealth Avenue partikular sa papasok ng Fairview papuntang Novaliches area at San Jose Del Monte, Bulacan na kung saan ay biglang lumiit ang kalsada.

Ang dami ng mga gawain nakaatang sa MMDA tulad ng problema sa basura, trapik, at ang pangkalahatan ay ang pag­sasaayos o development ng Metro Manila. Resulta sa kabuuan ay hindi pa rin naresolba ang mga problema. Anyare?

May suhestiyon tuloy ang tagasubay-subay ng PUNA. Palitan na lang daw ang pangalan ng MMDA o kaya ay buwagin na lang. Suhestiyon ni Mang Mario na ­barbero palitan daw ng ‘Undevelop’ ang ‘Development’ ng MMDA.

Kung papalitan ang kasalu­kuyang Metropolitan Manila ‘Development’ Authority (MMDA) ay magiging Metropolitan Manila ‘Undevelop’ Authority (MMUA), ang sagwa!

Kasi nga hindi naman daw kayang solusyunan ng MMDA ang mga gawaing nakaatang sa kanila, tulad ng pagsasaayos ng trapik at basura.

Dalawa pa lang yan, paano na ang iba pang nilang trabaho?

Napapansin din ng netizens na may isang opisyal ng MMDA na walang ginawa kundi mag-selfie at i-upload sa kanyang social media account ang kanyang mga picture at video.

Imbes daw na mag-isip ang opisyal na ito kung paano nila mareresolba ang kanilang mga problema ay nagagawa pa nitong maglakwatsa. Ay nakuuuu!!!

Nagkamali yata ng pinasok na ahensiya si Madam dahil sa halip na sa MMDA ay dapat yatang sa Department of Tourism siya nakapwesto para doon niya ipakita ang kaniyang kagandahan.

Napapansin naman ng PUNA na sa lawak ng Metro Manila ay umpok-umpok ang MMDA ­enforcers sa iilang lugar lamang. Tuloy ang ibang kalye na problemado sa trapik ay walang nagmamando sa mga motorista.

Sa Quezon City lalo na sa panulukan ng Mindanao at North Avenue sa may Trinoma Department Store ay laging may mga MMDA enforcers. Kaya nga lang may pagkabastos daw ang ­enforcers sa lugar.

Simula nang mabuksan ang Mindanao Avenue palabas ng North Luzon Expressway (NLEX) ay wala nang oras na pinipili ang trapik dito. Hindi na kasi dumidiretso ang mga truck sa Balintawak area kaya sa Mindanao Avenue sila nagsisiksikan.

Siguro naman namomonitor ng MMDA sa kanilang operation center kung saan-saang mga kalsada sa Metro Manila ang walang pinipiling oras na trapik na dapat lagyan ng permanenteng mga traffick enforcer.

At sana turuan nyo sila ng kortesiya at paggalang sa mga motorista dahil may ilan kasi na bastos kung makipag-usap.

Ang mga gawain ng MMDA ay dapat ipasa na lang sa bawat Local Government Units sa Metro Manila. Sila na ang bahala magpaganda sa kani-kanilang nasasakupan. Tutal ang bumubuo ng MMDA council ay mga mayor din ng Metro Manila.

Ang nangyayari tuloy ngayon ay sobrang dami na ng enforcers na nakakalat sa mga langsangan pero nanatili namang hindi nasosolusyunan ang trapik at basura.

Bukod kasi sa MMDA ­enforcers ay mayroon ding ­enforcers ang bawat lungsod. Malaki ang ginagastos ng gobyerno sa pondo ng MMDA pero hindi naman sila epektibo sa kanilang mga trabaho, ­nagsasayang lang tayo ng pera.

Ang ginagawa nila ay puro trial and error na bandang huli ang resulta ay ‘error’ o palpak.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

153

Related posts

Leave a Comment