AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
KASABIHAN na nga sa hanay ng mga OFW na kapag ang isang mag-aabroad na may asawa ay aalis sa Pilipinas, tiyak na makalipas ang ilang buwan ay magiging single na ito.
Bagaman hindi naman lahat ng nagiging OFW ay ganito ang ginagawa, ngunit marami pa rin akong nababalitaan na lalake at babae na bigla na lamang nagiging single sa ibang bansa at nakikipag-relasyon sa kapwa pinoy at minsan pa nga ay sa ibang lahi.
Marami na nga akong napanood sa programa ni Raffy Tulfo na ang mga asawang iniwan sa Pilipinas ay humihingi ng tulong upang isumbong ang ginagawang bawal na pag-ibig ng kanilang kabiyak.
Sa kasagsagan ng pagpapakasarap sa ibang kandungan ng ilan nating kabayani, ay hindi nila alintana ang problema na maaring idulot ng kanilang bawal na pakikipagrelasyon.
Una na rito ay ang mahigpit na batas na ipinatutupad sa ibang bansa laban sa ilegal na pagsasama na maaring maging dahilan ng kanilang pagkakulong at deportasyon.
At kung sakali man na magbuntis at manganak sa ibang bansa ay tiyak na pati ang kanilang magiging anak ay magkakaroon na rin ng problema sa pagkuha ng birth certificate at maging ng residency visa.
May ilan pa nga akong nakilala na lumapit sa akin na hindi nila maisama sa pag-uwi sa Pilipinas ang kanilang isinilang na sanggol dahil hindi mabigyan ng tamang pagkakakilanlan ang ama nito dahil tumakas ito bago pa man isilang ang sanggol.
Pero ang pinakamalungkot ay kapag dumating ang oras na ang OFW ay may malubhang karamdaman at ayaw ng tanggapin ng tunay nitong pamilya sa Pilipinas.
Ganito ang sitwasyon ng isa sa dumulog sa akin upang magpatulong para sa health benefits ng kanyang kinakasama.
Itago ko na lamang siya sa pangalang Arnold. Taong 1993 nang dumating si Arnold sa Saudi Arabia at may maayos na hanapbuhay sa Minsitry of Health. Sa tagal ng kanyang paglagi sa Saudi Arabia ay nahumaling si Arnold sa isang Pinay at hindi naglaon ay nagbunga ng 2 supling ang kanilang pagsasama. Hindi nagtagal ay umuwi na rin sa Pilipinas ang kanyang kinasamang babae kasama ang kanyang 2 anak.
Kamakailan ay inatake sa puso si Arnold at tuluyan na-bedridden. Nakipag-ugnayan ang OWWA sa kanyang pamilya ayon sa nasa records nito. Ngunit matigas ang paninindigan ng tunay na asawa at anak nito na ayaw nila tangapin ang responsibilidad na alagaan si Arnold sa pag uwi nito sa Pilipinas sa katwiran na nung panahon na nasa ibang bansa si Arnold ay nagpakasarap ito sa kandungan ng ibang babae, at ngayon na ito ay malubha ay sa kanila papaalagaan.
Hindi pa riyan nagtatapos ang problema ni Arnold, dahil maging ang kanyang ikalawang asawa ay halos ayaw na rin siyang tangapin dahil diumano ay hindi na niya napa-enroll ang kanyang tatlong anak at dadagdag pa ang gastos sa medisina ni Arnold.
Bukod pa rito, ang mga benepisyo na maaring tanggapin ni Arnold ay nanganganib na rin na hindi nya matangap dahil ayaw ng makipag-ugnayan ang pamilya nito.
Ganito kalungkot ang maaring kahinatnan ng bawal na pag-ibig.
243
