TINATAYANG nasa 80% ng malilikhang COVID-19 vaccine ang nauna nang nabili ng mayayamang bansa, habang 2% naman nito ang nakuha na ng covax facility at World Health Organization o WHO.
Sinabi ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez, kung titingnan ang world global supply and demand, talagang limitado na lamang ang suplay ng vaccine pagdating sa mahihirap na bansa.
Batay aniya sa report, tanging 18% na lamang ang natitira na maaring makuha ng mga bansa na katulad ng Pilipinas, at wala na aniyang iba pang mapagkukunan ng bakuna.
Nangangahulugan lamang aniya ito na posibleng sa kalagitnaan ng 2nd quarter ng 2021 masimulan ang pagroll-out ng vaccine.
Subalit, tiniyak ni Galvez na sinisikap pa rin ng gobyerno na makakuha ng vaccine sa unang bahagi ng susunod na taon mula sa mga diplomatic friend ng Pilipinas tulad ng China, Australia at iba pang mga bansa, gaya ng Estados Unidos.
‘EMOTIONAL FATIGUE’
Kaugnay nito, malaki ang magiging epekto sa bansa sakaling maantala ang pag-aangkat ng COVID-19 vaccine, ayon kay Sec. Galvez.
Sinabi ni Galvez, kapag nahuli ang Pilipinas sa pag-aangkat ng vaccine ay made-delay ang pag-roll out nito.
May posibilidad din aniya na magkaroon ng tinatawag na emotional fatigue dahil sa pandemiya at mahihirapang maka-recover ang ekonomiya.
Kaya pinagsisikapan aniya ngayon ng gobyerno na makapag-angkat na ng vaccine sa first quarter ng 2021.
AVAILABLE SA 2021
Samantala, sinabi ni Food and Drug Administration director-general Eric Domingo na maaari nang maging available ang COVID-19 vaccine sa Pilipinas sa Marso ng susunod na taon.
Ang pahayag na ito ni Domingo sa Palace briefing ay matapos aprubahan ng UK ang paggamit ng Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine.
Ani Domingo, mayroong impormasyon na ang US FDA ay kumikilos tungo sa pagpapalabas ng emergency use authorization para sa COVID-19 vaccine ng Pfizer at Moderna sa loob ng dalawang linggo.
“Kapag nag-apply po sila dito sa atin maaring by first few weeks of January mayroon na rin po tayong maibigay na emergency use authorization. Baka mapaaga nang kaunti, baka magkaroon ng chance na mga March ay magkaroon na ng bakuna sa Pilipinas,” ayon kay Domingo.
“Ang mauuna siguro ‘yung mga mayroon nang EUA [sa ibang bansa] katulad ng Pfizer, saka itong Sinovac, Sinopharm, Moderna, Astrazenica. Ito po ay mga nag-apply na,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)
