PATULOY na mag-ingat at sumunod sa minimum health standards.
Ito ang paalala sa publiko ng isang senador ngayong ipagdiriwang ang Kapaskuhan upang hindi ipagwalang-bahala ang pagkalat ng COVID-19 virus sa sarili at sa mga mahal sa buhay.
Sinabi ni Senador Christopher Bong Go, chairman ng Senate Committee on Health, na dapat pa ring mag-ingat ang lahat upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
“Ngayong Pasko, mag-ingat tayo. Huwag muna magkumpyansa, ‘wag muna mag-party. Lampasan natin ang pandemya para makapag-celebrate tayo nang maayos sa susunod na taon,” aniya.
Ipinaliwanag ni Go na ang unang tagumpay sa pagkontrol sa outbreak ay ginawang posible ng pangako ng mga tao na kumilos nang responsable sa pamamagitan ng pagsunod sa mga proteksyon sa kalusugan at kaligtasan na inisyu ng gobyerno, na kinabibilangan ng social distancing.
Hinimok nito ang lahat na magpatuloy sa mahigpit na pagsunod sa mga protocol upang mapanatili ang pagkontrol sa lawak ng pagsiklab at upang laktawan ang malalaking pagtitipon. (NOEL ABUEL)
