IMBES na ginhawa ang isalubong sa atin ng gobyerno lalo na ang Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong 2021 ay pahirap.
Parang nagpapakamanhid ang mga ahensyang ito sa kalagayan ngayon ng sambayanang Filipino dahil sa COVID-19 pandemic na hindi nila nakontrol dahil sa takot nilang masaktan ang China.
Alam nila na naghihirap pa ang mga tao dahil sa pandemya mula noong Marso 2020 at hanggang ngayon pero ang isasalubong sa ating lahat ngayong taon ay dagdag ng kontribusyon.
Nabawasan ng 50% ang income ng mga tao na mayroon pa ring trabaho kahit papaano dahil sa pandemyang ito pero mas maraming manggagawa ang hanggang ngayon ay walang kayod dahil hindi pa sila pinababalik ng kanilang employers.
Saan kukuha ng ihuhulog ang mga tao sa kanilang kontribusyon sa SSS at PhilHealth, tapos dadagdagan pa ang kanilang bayarin? Nawalan na ba talaga ng malakasit ang gobyerno sa maliliit na tao?
Hindi lamang ang mga karaniwang manggagawa ang mahihirapan dyan kundi ang mga employers dahil tinatapatan nila ang halaga ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado sa SSS at PhilHealth.
Lugmok na lugmok ang mga employer ngayon. Kung nakapamasyal kayo sa mga mall, maraming shop at restaurant ang nagsara na kesa tuloy tuloy na magbayad ng upa na wala naman silang income.
Bakit hindi intayin ng SSS at PhilHealth na makabangon muna ang mga tao sa pandemya bago ipatupad ang increase sa kanilang kontribusyon? Baka naman sa loob ng susunod na 6 na buwan ay makabangon na ng tuluyan ang mga tao lalo na kung bibilisan ng gobyerno ang pagbili ng COVID-19 vaccines.
Unahin munang bakunahan ang mga tao para makabalik na sa normal ang kanilang pamumuhay at hindi na kakaba-kaba ang lahat na mahahawa sila at mamamatay sa COVID-19 na courtesy of China.
Kapag nagawa niyo ‘yan, palagay ko walang tututol na dagdagan ang kontribusyon nila sa SSS at PhilHealth pero hangga’t hindi pa normal ang lahat at hindi pa nakakabangon ang mga tao sa pandemya, tututulan talaga yan.
Magkano ba ang mawawala sa SSS at PhilHealth kapag hindi naipatupad ang increase? Baka maliit lang kumpara sa mga nawawala sa mga ahensyang ito dahil sa katiwalian at pagiging imcompetent sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Mula 2013 hanggang 2019, umaabot sa P100 Billion ang nawala sa Philhealth dahil sa katiwalian at kapalapakan. Hindi pa kasama dyan ang bilyon-bilyon na inadvance nila sa mga private hospitals na hindi naman nagamit sa paggagamot sa mga COVID-19 patients.
Ang SSS, matagal ng problemado sa mga delingkuwenteng employers na hindi nagreremit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado kaya papaanong hindi mauubusan ng pondo.
Nga pala, hindi pa ibinibigay ng SSS ang natitirang P1,000 sa pensyon ng mga miyembro nila pero magdadagan ng singil? May malasakit ba talaga kayo sa kapwa niyo?
136
