GUSTUHIN man ni Filipino Olympic qualifier Eumir Marcial na bumalik sa Pilipinas para makasama ang iba pang miyembro ng pambansang koponan, gaya ng plano ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), sa malas ay malayong magkatotoo ito.
Ayon sa huling ulat galing sa ABAP, iniimbita ng namamahala sa amateur boxing sa bansa na bumalik ang talentadong middleweight na Zamboangeueno para sa pagsisimula ng training, Sabado sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Ayon kay ABAP Executive Director Ed Picson, makakasama ng 25-anyos na sarhento sa Philippine Air Force ang 26 iba pang boksingerong umaasang makasama sa ipinagpalibang 2020 Tokyo Summer Games, sa pangunguna ni Irish Magno, na tulad ni Marcial ay may tiket na rin papuntang Olimpiyada.
Kasama rin si world amateur featherweigt champion Nesthy Petecio, na kailangang magwagi sa huling Olympic qualifying competition upang makarating sa Tokyo gaya nina Eumir at Irish.
Si Marcial ay kasalukuyang nasa Los Angeles, California may tatlong buwan na ngayon, at marubdob na naghahanda para sa pinapangarap na mabigyan ang bansa ng kauna-unahang gintong medalya sa Olimpiyada, sa loob ng 96 taong partisipasyon ng Pilipinas mula noong 1926.
Bakit mahihirapang mapabalik si Marcial dito?
Una, kadedeklara pa lamang ng administrasyon ni Pangulong Digong na nagbabawal sa mga galing Amerika na bumiyahe sa Pilipinas. At ipagpalagay nang makakukuha ang ABAP ng espesyal na pahintulot para tanggapin siya, marami pang mga pangangailangang dapat maisakatuparan, bukod sa kailangan din ng mahabang panahon upang makumpleto ang mga ito. Pangalawa, si Eumir na mismo ang nagpahayag na nagsisimula pa lamang niyang mabawi ang lakas at bilis na nawala dahil sa walong buwan na walang ensayo mula nang makalusot siya sa pandaigdigang palaro noong Marso.
Katunayan, matapos manalo sa kanyang debut fight bilang propesyonal, dalawang linggo pa lamang nang muli niyang ipinagpatuloy ang ensayo sa ilalim ni pamosong Hall of Fame trainer Freddie Roach kasama si condition guru Justin Fortune at Pilipinong si Marvin Somodio.
Kaya sa personal na opinyon ng kolumnistang ito, makabubuting hayaan na lamang si Eumir na mamalagi sa Wild Card Boxing Gym ni Roach para ipagpatuloy ang build up program na inihanda mismo ng pitong beses na Trainer of the Year awardee ng Boxng Writers Association of America.
Ayon sa tagapagsalita ni Marcial, walang training program na maipakita ang ABAP kung paano maitataguyod ang programang inihanda ni Roach, na matagal nang consultant ng U.S. Olympic boxing team, hanggang sa dumating ang Tokyo Games na gaganapin sa Hulyo.
Ayon sa mga lumabas na ulat mula sa ABAP, pagkatapos ng Calamba bubble training camp, tutungo ang pambansang koponan sa Thailand at doon itutuloy ang ensayo.
At ito ang lalong ipinag-alaala ng kampo ni Eumir, dahil sa Thailand ay wala siyang middleweight na makaka-spar. Kaya’t wala silang benepisyong nakikita kumpara sa L.A. na puro malalaking Amerikano, European at taga-Central Asia ang ka-ensayo ni Marcial.
“Walang makukuha si Eumir at mga kasama sa Thailand,” anang tagapagsalita. “Ang mga Thai lamang ang makikikinabang sa planong iyan ng ABAP. Pakinabang na magagamit nila laban sa atin pagdating ng 2021 SEA Games na gaganapin sa Vietnam later this year.”
Ang iba pang kilalang amatyur na boksingerong balak ipadala ng BAP sa Bangkok ay sina Carlo Paalam na mangagaling pa sa Cagayan de Oro kung saan siya naghahanda sa pamamagitan ng online, Riza Pasuit, Ian Clark Bautista at James Palicte mula Negros Occidental, Rogen Ladon na nakabase sa Romblon, Aira Villegas ng Baguio at Charly Suarez ng Quezon City.
Ang ABAP consultant na si Don Abnett ng Australia ay dumating na sa Maynila para makasama sa Calamba.
“Ang mga nangyayaring ito sa aming mga atleta ay katunayan lamang ng kakulangan ng nalalaman at puso ng ating mga lider,” patangis na pahayag nina Magno at Petecio.
“I cannot imagine myself na qualified na sa Olympics pero hanggang ngayon mula noong qualifying tournament last March, di pa nakakapag-ensayo. Kailangan ko pa bang mag-pro tulad ni Eumir at magkaroon ng sponsor para makapaghanda?” tanong pa ni Magno.
“Six months na lang Olympic games na pero ngayon pa lamang kami magsisimulang maghanda. Hindi nga namin malaman kung gusto talaga nating makapag-uwi kami ng Olympic medal,” hinaing naman ni Petecio na mula noong Agosto ay ginagastusan ang sarili para makapag-ensayo lamang.
Ayon sa dalawa, ang boksing, gaya ng ibang martial arts events, ay pisikal na sport at kailagang at least isang taon ang preparasyon. Sa kanilang sport, bukod anila sa dalubhasang kaalaman ay kailangan din ang perpektong kondisyon ng katawan para lumaban.
“Yun marahil ang ‘di alam ng ating mga opisyal. Hindi kami nagsasayaw sa ibabaw ng ring. Bugbugan ang laban namin. Kapag di ka lubos nakahanda, madidisgrasya ka o sukdulang mamamatay,” nagkakaisang wika nina Magno at Petecio.
136
