“KUNG wala silang kasalanan, lumutang sila at makipagtulungan sila sa amin para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Christine.”
Ito ang hamon ni Atty. Roger “Bricks” Reyes, tagapagsalita ng pamilyang Dacera, sa panayam ng Peryodiko Filipino Inc. (SAKSINGAYON) noong Lunes.
Ayon kay Atty. Reyes, kung totoo ngang mga kaibigan sila ni Christine, tutulong sila at ituturo ang may kagagawan sa pagkamatay ng dalaga noong Enero 1,
Nauna nang itinanggi ng umano’y mga bakla na sina Valentine Rosales at iba pang kasama nito na hindi nila magagawang pagsamantalahan at patayin si Christine dahil kaibigan nila ito.
Bukod anila sa kaibigan nila si Christine ay mga bakla sila at hinding-hindi sila papatol sa babae.
Maging si Gregorio de Guzman na anak ng beteranang singer na si Claire dela Fuente, ay sinabing bakla rin siya at boyfriend niya si Valentine Rosales.
Si Valentine Rosales ang nakuhanan ng CCTV ng hotel na kahalikan ni Christine habang papasok sila sa isang kuwarto nito.
Nauna rito, naniniwala ang pamilyang Dacera na pinainom ng “party drugs” at ginahasa si Christine bago ito pinatay.
Ayon pa kay Atty. Reyes, sinabi umano ni Christine kay Rommel Galido dakong alas-2:00 ng madaling araw noong Enero 1, 2021, na nilagyan ang kanyang iniinom na alak ng gamot ni Mark Rosales, kapatid ni Valentine Rosales, na naging dahilan ng kanyang pagkahilo.
Duda umano ng pamilyang Dacera na maaaring ang inilagay na gamot ay ang tinatawag na “party drugs” na umano’y ipinagbabawal na droga.
Malaki rin ang paniwala ng pamilyang Dacera na ginahasa ang dalaga dahil may mga indikasyon na pinagsamantalahan ito at may mga pasa at galos ito sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sinabi pa ni Atty. Reyes, labis na ipinagtaka ng pamilyang Dacera kung bakit inuna ni Major Michael Nick Sarmiento ang pagpapa-embalsamo sa bangkay ni Christine kaysa pag-autopsy.
Ang pagpapa-embalsamo ni Major Sarmiento kay Christine ay pagsira umano ng ebidensiya na makatutulong sana sa pagresolba ng kaso.
Dahil dito, ang pamilyang Dacera ay naghain ng adminstrative complaint sa Camp Crame laban kay Major Sarmiento para sa agarang pagsibak dito.
Binanggit pa ni Atty. Reyes, imbes na makipagtulungan sa kanila ang mga kaibigan ni Christine ay sinisiraan pa nila ang dalaga na umano’y pumapatol sa mga dayuhan, gumagamit ng ilegal na droga at palainom ng alak.
Ayon pa sa tagapagsalita ng pamilyang Dacera, si Chistine ay personal niyang kilala at cum laude nang magtapos sa kolehiyo.
Hindi umano tatanggapin si Christine sa kanyang trabaho bilang flight attendant kung ito ay gumagamit ng ilegal na droga at palainom dahil bawal ito sa kanyang pinagtatrabahuan.
Kaugnay nito, dahil umano sa kawalan ng tiwala ng pamilyang Dacera sa PNP ay hiniling nila ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para mag-imbestiga sa kasong pagpatay sa dalaga. (JOEL O. AMONGO)
