(NOEL ABUEL)
MALAKING sampal sa taumbayan ang pagbawi ng Office of the Ombudsman sa desisyon nitong papanagutin ang mga sangkot sa kontrobersyal na MRT maintenance deal na kinasasangkutan ng mga tauhan ng administrasyong Noynoy Aquino.
Ito ang sinabi ni Senador Grace Poe, kung saan hindi umano katanggap-tanggap ang ginawang pagtalikod ng OMB sa nasabing usapin.
“It is thus disheartening to hear the news that the Office of the Ombudsman has abandoned its earlier ruling and decided to let the chief architects of the highly anomalous MRT-3 maintenance contract get off scot-free,” sabi ni Poe.
“Talagang isang sampal ito sa harap ng libu-libong mga commuter na Pilipino na naghihirap ng maraming taon dahil sa pagkabigo ng mga opisyal ng gobyerno. May nagpabaya kaya nagdusa ang sambayanan,” dagdag pa nito.
Aniya sa naunang desisyon ng Ombudsman sa 88-pahinang pinagsamang resolusyon noong nakaraang 2018, may probable cause para sampahan ng kasong graft si Transportation Sec. Jun Abaya at 16 pang iba sa pagsasabwatan upang magbigay ng hindi kanais-nais na kalamangan at kagustuhan sa Busan Universal Rail Inc. o BURI sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng P4.2-bilyong kontrata sa MRT-3 maintenance contract.
“It is unclear at this point how the reversal affects the findings of facts in the earlier resolution – that the suspicious award was made despite BURI’s clear “lack of eligibility and qualifications” at a time when the grantee was not even incorporated and for which a respondent official even helped facilitate,” sabi ng senador.
Pinuri aniya nito ang naturang desisyon sa kadahilanang ito ay naaayon sa natuklasan ng Senate Committee on Public Services na mayroon talagang kapabayaan at mga kawalan ng pagkilos ng mga opisyal ng DOTr na pinangunahan ni Abaya na nagsawalang-bahala at nakapinsala sa mga commuter at sa gobyerno patungkol sa problema sa maling pag-andar ng MRT.
“Hindi maaaring walang managot kapag may katiwaliang naganap. By choosing not to hold these people accountable, we might be sending the wrong message here: that graft is not a serious criminal offense, that corruption is excusable, that the people’s call for accountability will ultimately fall on deaf ears,” paliwanag ni Poe.
Umaasa na lang aniya ito na ang desisyon na ito ay hindi magpapalakas ng loob ng mga manloloko at mga hooligan upang makagawa ng isang paraan para lokohin at pagkaperahan ang gobyerno.
“Dapat nating linisin ang mga ito, hindi i-absolve ang mga ito sa pinakamaliit na pagkakataon,” saad pa ng mambabatas.
