Naalarma sa sunod-sunod na patayan MALABON NAGDAGDAG NG 100 PULIS

DAHIL sa sunod-sunod na patayan sa lungsod, ang pinakahuli ay si Barangay Hulong Duhat Chairman Anthony Velasquez sa loob mismo ng kanyang bakuran, dinagdagan ng Northern Police District (NPD) ng 100 ang 400 pulis sa Malabon City at iniutos ang lalong pagpapaigting ng seguridad sa siyudad.

Si Velasquez, na nilikida alas-4:00 ng hapon noong Enero 11, ang pampitong pinatay sa Malabon sa loob ng 16 araw.

Noong Disyembre 27 ng nakalipas na taon, pinatay umano ng kanyang mga kabaro ang gwardyang si Yasser Ampuan, 21, sa Barangay Panghulo.

Malapitan namang binaril at napatay sa Kagitingan Street, Barangay Muzon, si Rodolfo Carpentero, 46, noong Enero 5.

Sinargo naman ng punglo sa ulo sa loob ng bilyaran sa Barangay Tonsuya noong Enero 7 si Ace Bade, 37-anyos.

Kinabukasan, tinodas ng hindi kilalang mga suspek sa loob ng kanyang bahay sa Plata St., Barangay Tugatog si Marlon Santiago.

Noon namang Enero 9, hindi na nakarating ng bahay ang 39-anyos na si Sonny Boy Pardillo nang tambangan habang naglalakad pauwi sa P. Aquino St., Tonsuya.

Sa nasabi ring petsa ay tuluyan nang hindi nagising nang matulog sa kanyang dampa sa sementeryo ng Tugatog si Valentino Espinosa, 34, na pinagbabaril sa harap ng kanyang kinakasama. (ALAIN AJERO)

195

Related posts

Leave a Comment