WELCOME sa Malakanyang ang sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pagdating ng taong 2025 ay inaasahang magiging coinless society na ang Pilipinas dahil posibleng QR codes na ang gamitin sa maliliit na transactions.
Nauna nang sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Benjamin Diokno na dahil sa COVID-19, bumilis ang pag-transition ng bansa sa digital financial transactions dahil sa pangangailangan ng contactless payment solutions.
“We welcome this po ‘no, dahil ang isang karanasan natin sa COVID-19 ay kinakailangang maging cashless society na nga po tayo. We welcome the statement of Governor Diokno na by 2023 eh 50% ng ating transactions will already be cashless. Nagsimula na po iyan doon sa aming siyudad ng Baguio, napakadami na pong gumagamit ng cashless transactions at alam naman natin iyong paghawak ng pera, isa po iyan napatunayan ng pamamaraan kung paano kumakalat ang COVID-19,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Sinabi ni Diokno na QR codes na ang posibleng gamitin sa pamamagitan ng national identification system. (CHRISTIAN DALE)
