Solusyon sa pagbaha sa Marikina MANALO BRIDGE DAPAT GIBAIN – SOLON

MASOSOLUSYUNAN ang malawakang pagbaha sa lungsod ng Marikina at iba pang kalapit nitong lugar kung gigibain ang Manalo Bridge na nakaaapekto sa daloy ng tubig mula sa ilog ng Marikina.

Ito ang inihayag ni Deputy Minority Leader at Marikina City 1st District Congressman Bayani “BF” Fernando kasabay ng pagtanggi na ang BFCT ang nagpakitid sa Marikina River na siyang sanhi ng malawakang pagbaha nang manalasa ang bagyong Ulysses nitong nakalipas na taon.

Ani Fernando, hindi ang BFCT kundi ang napakakitid na bahagi ng Marikina River sa katabing lungsod ng Pasig at Quezon City ang dahilan ng matinding pagbaha sa Marikina nitong nakaraang pananalanta ng Bagyong Ulysses at maging noong Bagyong Ondoy at Habagat.

Ang naturang pahayag ay taliwas sa paratang ni Marikina Mayor Marcy Teodoro na ang BFCT o ang korporasyong pag-aari ni Fernando ang dahilan ng pagbabaha sa Marikina.

Sa isang ulat na inilabas ni Fernando, sinabi nitong ang suliranin ay nasa Manggahan, Pasig City at Bagumbayan, Quezon City, may 2.5 kilometro ang layo mula sa Marikina, kung saan naroroon ang Manalo Bridge na nagdurugtong sa Caruncho Avenue sa Pasig at sa kabilang pampang, ang Calle Industriya sa Bagumbayan, Quezon City.

Ayon kay Fernando, ito ay mga 200 metro lamang bago dumating sa bunganga o pasukan ng Manggahan Floodway na nagdadala ng malaking bahagi ng tubig baha sa Laguna Lake.

“Nawala ang saysay ng Manggahan Floodway dahil sa napipigil ng napakakitid na Manalo Bridge ang tubig baha,” saad ng kinatawan.

Ibinahagi rin ng dating mayor ng Marikina na taong 1997 ay napansin niya na ang hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig sa ilog mula nang maitayo ang nasabing tulay.

Dagdag pa ni Fernando, taong 2006 o tatlong taon bago dumating ang Ondoy, sa kanyang panunungkulan bilang chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ay nagbigay umano siya ng babala na sirain ang tulay bago matamaan ng matinding bagyo at pagbaha ang Marikina Valley.

“Kailangan nang sirain ang tulay na ito, ang Manalo Bridge. Sa katunayan, mayroon na akong pormal na letter request sa DPWH ukol dito at ipinagbigay-pansin ko rin ito kay Sec. Mark Villar nitong nakaraang budget hearing sa Kongreso,” ani ni Fernando. (CESAR BARQUILLA)

345

Related posts

Leave a Comment