NADISKUBRE ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na maraming bahagi ng malalaking kalsada sa National Capital Region (NCR) ang walang ilaw.
Aniya, obligasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtitiyak na patuloy na may ilaw sa mga lansangan.
Sinabi ni Abalos sa mga opisyal ng DPWH at Department of Transportation (DOTr) sa kanilang pulong kamakailan na ang “Public safety is our utmost priority. Only one busted or broken light would endanger lives”.
Sa kalatas ng MMDA, idiniin ng bagong pinuno ng MMDA na ang mga ilaw sa lansangan ay “mahalaga sa pagbabawas, kundi man tuluyang mawala, ang mga aksidente sa kalsada”.
Ayon sa MMDA press statement, ipinagtanggol ni Undersecretary Robert Bernardo ang DPWH sa pagsasabing ang mga ilaw at kable sa ilang kalsada sa NCR, partikular na sa mga underpass, at ninanakaw ng masasamang loob
Nangangahulugang walang mga pulis na nag-iikot sa malalaking kalsada tulad ng EDSA, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, España Boulevard at Taft Avenue.
Gayunpaman, nangako si Bernardo kay Abalos na lulutasin ng DPWH ang suliraning binanggit ni Abalos sa kagawaran at DOTr.
Kukumpunihin ng DPWH ang mga ilaw at sirang kable at ipapasa ang pangangasiwa nito sa MMDA sa ika-10 araw, pangako ni Bernardo.
Nangako rin ang opisyal na aakuin muna ng DPWH ang bayad sa kuryente habang hindi pa ito naipapasa sa MMDA.
Tiniyak din ni Bernardo na patuloy na makikipag-ugnayan ang DPWH sa MMDA at 17 pamahalaang lungsod at bayan sa NCR upang tiyak na tuluy-tuloy na gumagana ang mga ilaw sa mga lansangan sa NCR.
Umaasa ang pamunuan ng MMDA na tutuparin ng DPWH ang ipinangako ni Bernardo. (NELSON S. BADILLA)
