EDUKASYON SA PINAS PARA NGA BA SA LAHAT O SA IILAN LANG?

ITO ang katanungan ng mga magulang ngayon.

Bakit daw may binabayaran pa ang mga estudyante ngayon mula elementarya, high school at maging sa kolehiyo?

Ito ay sa kabila ng deklarasyon ng gobyerno na libre o free tuition na ngayon.

Bago maapruban ang tinatawag na K-12 sa bansa ay matindi ang advertisement ng gobyerno noon (Aquino Admin) na sagot daw ng pamahalaan ang gastusin ng mga mag-aaral sa senior high school kahit na sa pribadong eskuwelahan sila pumasok.

Pero bakit ngayon may binabayaran na parang tuition na rin?

Pinadama nga lang ba tayo ng administrasyon ni Aquino noon para matuloy lang ang kanilang K-12 program?

Palibasa kasi may mga kamag-anak silang nagmamay-ari ng mga eskuwelahan na makikinabang sa nasabing K-12.

Hindi lang kasi doble ang kanilang kita kundi maniningil pa ang mga eskwelahan sa mga estudyante at pagkatapos ay kukubra pa sila mula sa pondo ng K-12.

Nangangamoy korapsyon na naman ba ito?

Tulad na lamang ng mga naka-enrol sa Metro Manila College sa Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City. Bawat semester ay nagbabayad ang mga estudyante ng P3k.

Hindi naman sinasabi ng mga magulang na kailangan libre, kinukuwestiyon lang nila kung saan daw napupunta ang pondo para sa K-12.

Dapat maipaliwanag ito ng Department of Education (DepEd).

Maging ng Commission on Higher Education (CHEd) dahil may mga state universities and colleges na plano raw maningil ng tuition sa kanilang mga estudyante.

Lalo na raw ang mga magulang ng mga estudyante na hindi rehistrado sa munisipalidad at siyudad na kinalalagyan ng state universities at colleges.

Pulitika na naman, parang hinohostage nyo ang mga mag-aaral ah!

Sisirain nyo ang kinabukasan ng mga bata para lang sa inyong political career?

Problemado na nga mga magulang ngayon dahil sa isang taon nang pananalasa ng Covid-19 pandemic dagdag pa itong edukasyon ng kanilang mga anak.

Sa problema ng isang pamilya damay ang kanilang mga anak.

Tulad na lamang ng kaklase ng aking anak noong high school pa sila, malungkot na ikinuwento niya na nagpakamatay raw ang kanyang kaklase.

Maaari raw ang dahilan ng kanyang pagpapakamatay ay ang pag-aaral nito sa senior high school ngayon.

Maaaring financial problem ng pamilya at problema sa online learning na nangyayari.

Marami kasi ngayon ang nahihirapan sa online learning dahil ang mga estudyante ay hindi nakakahabol o natututo sa kanilang mga leksyon.

Dagdag pa ang pangamba nila na baka ibagsak daw sila ng kanilang mga guro.

Samut-saring problema ang kinakaharap ngayon ng bawat pamilya, kaya dapat ang unang gagawa ng paraan nito na hindi humantong sa pagpapakamatay ng mga mag-aaral ay nasa pamahalaan.

Kailangan maging maingat ang mga guro sa kanilang pagsasabi na ibabagsak ang kanilang mga estudyante kung hindi sila makakahabol sa kanilang leksyon.

At kung totoong libre na nga ang edukasyon sa Pilipinas ay tingnan ng gobyerno ang mga state universities at colleges ngayon na balak maningil ng tuition.

Lalo na ngayon papasok na sa panibagong semester hindi alam ng mga magulang kung saan sila kukuha ang kanilang ipambabayad sa eskuwelahan na pinag-aaralan ng kanilang mga anak.

Kung baga ito na ang pinakamahirap na yugto ng buhay dahil nasaid na ang pisi o kaban ng bawat pamilya.

Muling magsisimula ang normal na buhay ng mga tao pagdating pa ng bakuna.

Sa ngayon ang pinaka matibay na masasandalan ng mamamayan ay ang gobyerno.

Kung magiging pabaya pa ang mga opisyal nito at magiging madamot pa sila sa tulong sa taumbayan, saan pa sila tatakbo?

Wala pong ibang magtutulungan kundi tayo ring mga kapwang Pilipino.

Kaya kayong mga Local Government Units (LGUs) na nag-iisip na magpapabayad pa ng tuition sa mga estudyante na pumapasok sa mga paaralan na kontrolado nyo ay maawa kayo sa kanila.

Kung talagang may malasakit kayo sa inyong constituents ipakita nyo at iparamdam hindi lamang puro salita.

Hindi nyo naman sarili yang pondong ginamit sa pagpapatayo ng mga paaralan sa inyong mga nasasakupan kundi mula rin sa buwis ng taumbayan.

Ang inyong mga posisyon ay hindi panghabambuhay, kukupas din ang kasikatan nyo.

Masarap ang pakiramdam ng nakatutulong sa kapwa, lalo na kung ang pinag-uusapan ay kinabukasan ng ating kapwa.

Ika nga ang lahat ay kukupas at mawawala, pero ang salita ng Panginoon ay mananatili at hindi magbabago.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

434

Related posts

Leave a Comment