ENDING NG SENATEFLIX

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI lang selebrasyon ng Ika-128 Anibersaryo ng Kasarinlan ang natapos. Natuldukan na rin kasi ang dramarama sa Senado na tinagurian na ngang SenateFlix ng netizens. Sarado na ang isyu ng tunggalian sa liderato dahil pormal nang nakapaghalal ng Senate President sa katauhan ni Sen. Win Gatchalian.

Sana nga ay plantsado na ang lahat kahit halatang marami sa bagong minorya ang ‘bitter’ pa rin. Kantyaw nga ng mga netizen, naparami raw ang kain ng ampalaya ng Cayetano bloc, “sobrang papait”!

Andaming nasayang na oras. Ginasta pa ang pera ng bayan sa walang kwentang mga kadramahan sa Senado sa nagdaang mga linggo.

Mabuti at sa pagbubukas ng special session ay naayos ang gusot at pinaspasan naman ang kilos. Ayan, na-promote na ang limang heneral, naging naturalisado na ang dalawang atleta at naipasa ang ilang prayoridad na panukala.

O, ‘di ba, magaan sa dibdib kapag ang nasa utak n’yo ay ang mga tao na naghihintay ng inyong atensyon at serbisyo.

Pero, hindi riyan nagtatapos ang kuwento ng Senado, at hindi rin ‘yan ang katapusan ng hangarin at inaasam ng mga tao na mawala ang korupsyon sa gobyerno.

Pero, wait and see muli ang taumbayan sa kalalabasan ng paniniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mananagot ang mga korap sa bansa.

Ayon sa Pangulo, ang laganap na korupsyon ay humahadlang sa misyon ng pamahalaan na pagsilbihan ang mamamayan. Tumpak!

Pera ng taumbayan ang kinukurakot kaya dapat managot ang mga abusado – ang lahat – maging sino man sila.

Sabi nga, dapat walang pinoprotektahan, walang kinikilingan. Wala rin dagdag-bawas sa mga inaakusahan, na kapag dumapo sa kabila ay puwede nang kwelyuhan, ngunit kapag dumikit sa pundilyo ng poderoso ay tapik sa balikat ang ibibendisyon.

Kaya dapat maging mapanuri ang publiko, na siyang talo sa mga panloloko ng mga tiwaling politiko.

Sabagay, ‘yung iba ay pagod na sa nangyayari kaya minabuting manahimik muna.

Tila sumuko na at tinanggap na andiyan na ‘yang korupsyon at wala nang magbabago, at pare-pareho naman nagnanakaw.

Resilient kasi ang mga Pilipino.

Madaling makabawi. Agad bumabangon kapag sumemplang.

Minsan, nakababanas na rin ‘yang resilient na ikinakabit sa atin.

‘Yung mga bumabangon ay hindi lahat ay matibay. Sila ay napipilitang magpakatatag dahil wala silang maramdamang palad na sasalo sa kanilang pagbagsak, at walang kamay na gagabay sa kanila para makatayo.

Kambyo lang tayo ulit sa Independence Day. Kasi naman, selebrasyon lang ang natapos hindi ang paghihirap ng Pinoy.

Bawat araw ay nananatiling HINDIpendence dahil nakagapos pa rin ang mga Pilipino sa iba’t ibang klase ng tanikala. Tulad ng sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, hindi pa ganap ang kalayaan kung may milyon-milyong pamilyang kinakapos sa pagkain, disenteng kita, at serbisyong medikal, at hindi lubos ang ating kalayaan kung ang magsasaka, mangingisda, manggagawa, kabataan, at mga biktima ng sakuna ay napag-iiwanan.

Ang makalaya sa kahirapan ay isa sa tunay na simbolo ng kasarinlan. Ang makahulagpos sa nakasusulasok na kapaligiran, sa ‘di matigil na mga pagbaha, at higit sa lahat – korupsyon – ay malinaw na kahulugan ng kalayaan.

Ang kalayaan natin sa mga mananakop noon ay bunga ng pagtanggi ng mga bayani na mapatahimik. Isa itong nakalipas na pangyayari, ngunit kailangang isabuhay ngayon laban sa anomang anyo ng paninikil.

Mamamayan ang sapol sa mga walang kwentang gawain ng mga tiwali.

‘Yan ang mahigpit na posas na magkakait sa atin na makawala sa kahirapan. Pero, hindi man natin kayang baguhin ang nakaraan, maaari naman tayong pumili ng kung ano ang pwedeng baguhin bukas.

Hanggang may karapatan tayong pumili, may pag-asa.

80

Related posts

Leave a Comment