MIYEMBRO NG ROBBERY GROUP, SUGATAN SA PARAK

CAVITE – Sugatan ang isang miyembro ng Santiago robbery group at responsable rin sa pagbebenta ng ilegal na droga, nang manlaban sa mga awtoridad na nagsilbi sa kanya ng warrant of arrest sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, noong Sabado ng hapon.

Nilalapatan ng lunas sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang suspek na si Datu Gandawali, 20, tubong Cotabato City at residente sa Sec. J Riverside, Tropical Village Pabahay 2000, Brgy. San Francisco, General Trias City.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ernesto Angue Jr. ng Gen. Trias City Police, dakong alas-2:30 noong Sabado ng hapon nang isilbi nina P/SSgt. Leo Francisco at P/SSgt. Mark Pinyuhan, ang warrant of arrest sa suspek sa kasong attempted murder at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa bahay nito.

Ngunit bumunot umano ng baril ang suspek at tangkang paputukan ang mga awtoridad.

Gayunman, naunahan ng mga pulis ang suspek na binaril sa paa.

Nakuha sa suspek ang isang .45 kalibreng baril, bala, at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Base sa rekord ng pulisya, si Gandawali ang miyembro ng Santiago robbery group at responsable rin sa bentahan ng ilegal na droga at sangkot din sa barilang nangyari sa Tropical village Pabahay 2000 sa nasabi ring lungsod. (SIGFRED ADSUARA)

148

Related posts

Leave a Comment