DOFIL AT OFW PENSION, TINUTUTUKAN NG MGA OFW

PORMAL nang tinapos ni Senador Joel Villanueva, Chairman ng Senate Committee on Labor and Employment ang mga hearing at public consultation sa usapin ng pagbuo ng Department of Overseas Filipinos (DOFIL).

Sa pagtatapos nito, ay magsisimula naman ang pagpupulong ng Technical Working Group (TWG) upang pagsama-samahin ang mga nabuo sa naganap na Senate Commitee hearing at pati na rin ang mga rekomendasyon ng mga senador.

Kapag natapos na ang TWG, ang pag-consolidate ng mga panukalang probisyon ay bubuuin na ang Committee report na ipapasa para sa review ng mga senador bago isalang sa ­plenaryo.

Maraming mga OFW ­leaders ang nababahala at inaakala na tuluyan ng hindi mabubuo ang panukalang batas na pagbubuo ng DOFIL o DOFW. Ang ilan pa nga ay nagbabanta na magsagawa ng rally sa senado upang ipanawagan na tuluyan ng ipasa ang batas sa pagbuo ng DOFIL.

Ngunit sa aking palagay at obserbasyon sa nagagana­p na pagtalakay ng senado ay ­pangitain na ang pagpasa nito sa oras na ipasok na sa plenaryo at mas malamang na sa pagharap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa State of the Nation Address sa Hulyo ay kasama na ito sa ipagmamalaki ng ating pangulo.

Nagkaroon din ako ng ­pagkakataon na makausap sa isang dinner party ang ilang opisyales mula sa opisina ng mga senador at doon ay aking ipinakiusap na kanilang hikayatin ang kanilang principal na silipin ang usapin para sa OFW Pension Plan.

Kaya labis-labis ang aking kaligayahan na marinig mula mismo kay Sen. Franklin Drilon ang kanyang kagustuhan na isama na sa benepisyo ng mga OFW ang pagkakaroon ng pensyon sa panahon na sila na ay magretiro sa pagiging OFW.

Taong 2009 pa lamang ay akin ng ibinubulong ito sa mga opisyales na bumibisita sa Kuwait. Ngunit ang malimit lamang nilang kasagutan ay hindi ­maaring mangyari ito, bagkus ay hikayatin na lamang ang mga OFW na magbayad ng kanilang SSS para sa kanilang pensyon.

Ngunit ang AKOOFW ay nagpursige na isulong ito simula pa noong taon 2018 at sa katunayan ay kasama ito sa isinulat na position paper na aming ipinasa sa senado.

Ang mungkahi ng AKOOFW ay dapat na rebisahin ang OWWA charter o Republic Act 10801 upang doon ay idagdag sa ­probisyon na ang OWWA Fund ay maaring gamitin hindi lamang sa welfare kundi pati na rin sa Pension plan o provident fund. Dapat din na pahintulutan na ang OWWA Fund ay mailagak sa mga high yielding investment na katulad ng sa SSS at GSIS ­dahil sa kasalukuyan ay ­tanging sa mga government bonds lamang ito maaring ilagak.

Abot tanaw na maituturing ang matagal ng isinusulong ng AKOOFW na OFW Pension Plan at nawa ay maganap ito bago matapos ang taong 2021.

173

Related posts

Leave a Comment