HINDI ako ang may sabi nito kundi si Pangulong Rodrigo Duterte mismo.
Narito ang pahayag ng Pangulo: “Panahon ng kampanya yan…at saka yung biro na ‘yun, they called it bravado ko, puro campaign joke…at kung naniwala kayo sa kabila…I would say that you are really STUPID.”
Patungkol ang pahayag na ito ng Pangulo sa kanyang binitiwang pahayag noong 2016 campaign na sasakay siya ng jetski papuntang West Philippine Sea dala ang bandila ng Pilipinas at palalayasin daw niya ang mga Chinese na umokupa sa teritoryo ng Pilipinas.
Bukod sa mga dilawan at iba pang kalaban ni Pangulong Duterte sa pulitika, isa pala si Senador Manny Pacquiao na kaalyado ng Pangulo sa mga naniwala sa pahayag na ito.
Kaya sa isa niyang mensahe ay kanyang binanggit na: “Sa akin, nakukulangan ako kumpara doon sa bago pa siya tumakbo. Nakakapanghina dahil iba kasi yan doon sa simula,” giit ng mambabatas na kampeon sa boksing.
Sabi pa niya, “Narinig natin bago mag-eleksiyon sa pangangampanya, nung sinabi niya na mag-jetski siya, dala yung watawat ng Pilipinas, e siyempre, kahit ako sa puso ko, ito na yung iboboto ko dahil ito yung dapat na presidente, kailangan natin na pinaglalaban yung bansa natin.”
Sa totoo lang bilang kilala at isa sa pinaka-popular na kaalyado ng Pangulo, dapat ay intinding-intindi ni Pacquiao na sa simula pa lang ay nagbibiro lang ang Pangulo.
Sa edad ba naman ni Pangulong Duterte ay may seseryoso sa pahayag niya na kayang-kaya niyang mag-jetski papuntang WPS? Tingin ko ay isa ngang istupido ang maniniwala roon gaya ni Pacquiao na nag-aambisyong maging Pangulo sa 2022.
Taga-suporta ba talaga ni Pangulong Duterte si Pacquiao? Iyon ang alam ng marami. Hindi ba’t kinuha pa nga niya ang liderato ng PDP-Laban na partidong nagluklok sa Pangulo sa Malakanyang. Ito rin ang sa tingin at paniniwala ng Senador na magiging behikulo niya pagtakbo sa pagka-Pangulo.
Sabi nga ni Atty. Melvin Matibag, Deputy Secretary General ng PDP-Laban, “you belong to the same party, why are you going public and say all these things. Di ba? Baka naman dapat kinausap mo muna yung leadership, di ba?
Kung tutuusin, maituturing na ‘jab’ ni Pacquiao ang banat niya sa Pangulo kaugnay ng isyu sa WPS pero isang uppercut at right hook naman ang tumama sa kanya sa katayuan niya ngayon sa pulitika.
Bakit?
Halatang-halata kasi na pamumulitika ang naging banat, hirit, komento at reaksyon ni Pacquiao. Kasama na rin ang marami na nagmamagaling sa isyu ng WPS. Sila yung mga hindi naman nag-aral man lang ng kahit ‘crash course’ doon ay nagpapaka-eksperto ngayon para lang makakuha ng atensyon.
Marami sa kanila ay nasa partido liberal at mga dilawan. Sabaga’y pare-pareho naman silang nagpapapansin lang. Kagaya lang din ni Pacquiao na walang pumapansin at sumeseryoso pagdating sa ‘arena’ ng pulitika sa bansa.
