MARAMI ang nagtatanong kung ano kaya ang susunod na mangyayari pagkatapos ng COVID-19?
Bagama’t hindi pa natatapos ang problema ng maraming bansa sa pananalasa ng COVID-19 ang iba naman ay panay na ang ginagawang girian.
Tulad na lamang nitong nakalipas na linggo ng sumiklab ang bombahan sa pagitan ng Israel at ang militanteng Hamas sa Gaza Strip.
Nagalit umano ang militanteng Hamas sa ginawang pagpapaalis ng Israeli military sa ilang Palestinong Muslim sa isang Mosque sa Jerusalem.
Kaya sa galit nila ay nagpakawala sila ng daan-daang bomba na pinuntirya nila ang Tel-Aviv City na sentro ng Israel.
Siyempre gumanti ang mga Hudyo laban sa militanteng Hamas gamit ang kanilang hightech na mga rocket.
Kaya ayun mas maraming casualties sa mga taga-Gaza.
Sa pang-sampung araw na palitan ng bomba sa pagitan ng mga militanteng Hamas at mga Hudyo mahigit kumulang nasa dalawang daan katao na ang namamatay.
Dehado ang grupong Hamas sa kanilang palitan ng bomba ng magkabilang panig dahil sa tinatawag na “iron dome” ng bansang Israel.
Ang “iron dome” ay isang rocket na pang-intercept ng rocket din na manggagaling sa kalaban ng Israel.
Nasa 90% daw itong epektibo na pangsalubong ng rocket ng kalaban, kaya naman sa mahigit kumulang tatlong libong pinakawalang rocket ng militanteng Hamas ay kakaunti lang ang casualties mula sa mga Israelites.
Sabi ng Israeli government ayaw na nilang mangyari ang “Holocaust” nung World War 2 na mahigit kumulang sa anim na milyong Hudyo ang ipinapatay ni Adolf Hitler.
Kaya ngayon todo depensa ang Israeli Defense Forces (IDF) sa mga gustong manakit sa kanilang mamamayan.
Ang pagsiklab ng bombahan sa pagitan ng militanteng Hamas at Israeli troops, ito na raw ang pinakamatinding away nila simula nung 2014.
Kaya ngayon maraming natatakot na baka ito na raw ang pagmulan ng World War 3.
Nariyan din ang bangayan ng iba’t ibang bansa sa Asya laban sa China dahil sa pag-aangkin nito sa buong South China Sea.
Maging ang kapwa nila mga Chinese gaya ng bansang Taiwan at Hong Kong ay ayaw rin sa pamamaraan na ginagawa ng Mainland China.
Nauna nang nagbanta ang Amerika na magsasampa sila ng kaso laban sa China dahil sa Wuhan nagmula ang COVID-19 hanggang kumalat ito sa buong mundo.
Sinasabi na ang COVID-19 ay isang chemical weapon na pumalpak na gawa ng China.
Sa China nagmula ang COVID-19, pero sila ang una na nawalan ng virus ng COVID-19 at muli silang nakabangon at balik sa normal ngayon ang kanilang pamumuhay.
Habang ang ibang bansa tulad ng India ay patuloy na nalulugmok sa kahirapan dahil sa dami ng mga nahahawaan at namamatay sa kanilang mamamayan.
At habang abala ang mga bansa sa Asya sa paglaban sa COVID-19 ay patuloy naman ang China sa kanilang ginagawang kontruksyon ng mga artificial islands sa South China Sea.
Kaya lalong nabuo ang pangamba ng maraming Pinoy na posibleng humantong sa World War 3 ang nangyayaring bangayan ngayon sa Israel at militanteng Hamas sa Palestine, mga bansa sa Asya laban sa China..
Sinasabi ng Israeli government na hindi sila aatras laban sa militanteng Hamas dahil nagkakakanlong umano ito ng mga teroristang grupo na ang layunin ay lipulin ang mga Hudyo.
Nawa’y hindi na masundan pa ng pandaigdigang giyera, ang malalang problemang nararanasan ngayon ng buong mundo sa COVID-19.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.
232 