AMININ man ng administrasyon o hindi, nagseself-destruct sila sa pamumuno sa ating bansa. Marami silang mga pahayag at desisyon ang isinusuka ng sambayanang Filipino.
Malaki ang epekto nito sa sinumang kandidato ng administrasyon, hindi lamang sa pampanguluhan kundi maging sa kanilang mga kandidato sa senado sa susunod na eleksyon.
Pero magtataka ka, halos lahat ng mga pumuporma sa susunod na eleksyon ay taga administrasyon.
Hindi lang sa presidential race kundi sa senatorial race. Actually hindi na napag-uusapan ang local election eh.
Nagsimula akong mag-cover sa pulitika noong 1995 at maraming eleksyon na ang naicover ko at napansin ko, hindi nakakaporma ang mga kandidato ng administrasyon sa eleksyon bago matapos ang kanilang termino.
Sa unang eleksyon o yung tinatawag na “mid term election”, mabangong mabango ang mga kandidato ng administrasyon kaya sila ang maraming naipapanalong upuan, hindi lang sa senador kundi sa local positions.
Pero kapag sa huling eleksyon na sasalihan nila habang sila ay nasa kapangyarihan, malimit na natatalo sila. Bakit? Dahil nagseself-destruct na ang gobyerno at sa panahon ding yan nagbabalimbingan ang mga kaalyado nilang pulitiko.
Nagsisipag-talunan sa barko, ika nga nila, ang kanilang mga kakampi, bago pa man lumubog at lalong wala silang pag-asang manalo kapag marami sa kanilang loyal allies ang tatakbo sa isang posisyon.
Kaya hangga’t maaari, dapat isang kandidato lang ang patatakbuhin ng incumbent president para sila ay manalo upang hindi mahati ang boto ng kanilang mga supporters.
Pero magtataka ka, bakit tila walang epekto sa mga taga-administrasyong Duterte na sila sila ang nagpopormahan sa susunod na eleksyon.
Parang siguradong sigurado sila na sila pa rin ang mamumuno sa sambayanang Filipino pagkatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahit yung mga walang kapana-panalo kahit sa panaginip lang ay pumoporma na tatakbo sa senado. Bakit ang lalakas ng loob nila kahit katiting ay hindi sila mananalo?
Meron ba talagang magic na mangyayari sa 2022 kaya hindi nangangamba ang mga taga-administrasyon na sila sila ang maglalaban-laban sa darating na halalan sa upuan na laging pinag-aagawan kapag may pagkakataon?
Naisulat na ba ang kasaysayan na mangyayari pa lamang kaya kahit alam nilang wala silang pag-asang manalo kapag fair ang halalan ay ipagpipilitan nilang tumakbo kahit kakampi nila ang kanilang makakalaban.
Kahit sabihin nila na wala kasing malakas na kandidato sa oposisyon kaya malakas ang loob nilang tumakbo pero kung ang karanasan ng dating administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino III ang pagbabasehan, ang dapat nilang pagbatayan.
Kaya nanalo si Duterte dahil nahati ang boto ng Aquino group dahil sabay na tumakbo ang kaniyang dalawang kaalyadong sina Mar Roxas at Grace Poe. Kung hindi yun nangyari, mas malaking boto sana ang nahakot nila at natalo si Duterte.
Ngayon, kung ipipilit ng mga taga-admin na sila sila ang maglalaban at isa sa kanila ang mananalo, baka walang maniwala na lehitimo ang kaniyang pagkapanalo. Pagdududahan sila ng tao at gegewang-gewang ang kaniyang administrasyon lalo na kung ang kanyang Defense Secretary ay mas loyal sa Filipino.
Lalo silang pagdududahan kapag ipinilit ng Commission on Elections (Comelec) na ang smartmatic pa rin ang magsusupply ng software sa automated election system (AES) at kaya nilang irewrite ang WORM SD Card tulad ng alegasyon ng isang kumpanya na tinektikal nila sa bidding.
169 