(NI LILIBETH JULIAN)
KAHIT na ganap nang batas ang Universal Health Care Law matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi pa ito agad agad na lubos na mapakikinabangan ng mga Filipino.
Ito ay matapos ihayag mismo ni Health Secretary Francisco Duque III, na hindi kaagad ito maipapatupad dahil babalangkasin pa ang implementing rules and regulations (IRR) nito.
Sinabi ni Duque na may P40 bilyong halaga rin kakulangan sa pondo para rito base sa panukalang budget.
Noong Miyerkoles ng hapon nang opisyal nang lagdaan ng Pangulo ang nasabing batas na nasa ilalim nito ay sakop na ng health insurance program ang lahat ng Filipino, miyembro man ng Philhealth o hindi.
Pinalawak din ng sakop ng Philhealth ang libreng konsultasyon at laboratory test.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo na maaring unti untiin muna ang pagpapatupad sa batas hanggang sa lubusan na itong matustusan ng gobyerno.
Napag alaman na kukunin ang pondo para sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law mula sa mga buwis na makukuha sa sigarilyo.
Una nang inihayag ni Senator JV Ejercito, ang isa sa pangunahing may akda ng nasabing batas na kayang tustusan ng pondo ng Department of Health, PhilHealth, PCSO at Pagcor ang unang dalawang taon ng pagpapatupad ng batas habang hindi pa naisasabatas ang panukalang pagtataas sa buwis sa sigarilyo na pangunahing pagkukunan ng pondo para sa Universal Health Care Act.
179