PABOR ang isang independent research group sa posibleng pagpapaluwag pa ng quarantine restrictions sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng bumababang bilang ng COVID-19 cases.
Kaugnay ito sa naunang sinabi ng Malacañang na maaaring isailalim na sa regular na general community quarantine (GCQ) status ang Metro Manila, gayundin ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, o NCR Plus bubble areas .
Suportado naman ito ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group dahil gumaganda naman na aniya ang COVID-19 situation sa NCR.
Ayon kay David, ang NCR ay nakakapag-contribute na lamang ngayon ng 27% ng COVID-19 cases sa daily tally ng bansa, mula sa dating 97% noong peak sa pagitan ng Marso 29 at Abril 4.
Ang virus reproduction rate naman o ang bilang ng mga taong apektado o maaaring mahawa ng virus ng pasyente sa Metro Manila ay nasa 0.72 na lamang habang ang positivity rate ay bumaba na ng 8%.
Dalawang porsiyento
Kaugnay nito, nasa dalawang milyong Filipino o 2% pa lamang ng kabuuang 109.48 milyong populasyon ng Pilipinas, ang fully-vaccinated na laban sa COVID-19.
Ito ang iniulat ni Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega matapos hingan ng update hinggil sa isinasagawa nilang vaccination rollout, na sinimulan tatlong buwan na ang nakalipas.
Aminado si Vega na matagal pa ang aabutin ng proseso ng pagbabakuna at ang naturang bilang ay malayo pa sa target nila na makapagbakuna ng 50% hanggang 70% ng populasyon bago matapos ang taong ito para makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.
154
