SOLON: FACE SHIELD NEGOSYO NG BATA NI DUTERTE

HINDI isinasantabi ng isang miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso na kapanalig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nagnenegosyo ng faces hield kaya umurong ito sa kanyang unang desisyon na sa ospital na lamang ito gamitin.

Ayon kay ACT party-list Rep. France Castro, nanaig ang interes ng negosyante sa face shield nang sabihin ni Duterte na tuloy ang paggamit nito, hindi lamang sa loob ng mga pasilidad kundi sa labas.

“At stake ang business ng mga nagnenegosyo ng face shield. Baka may negosyanteng kapanalig ni Presidente kung bakit nagbago isip niya,” ani Castro nang kunan ng pahayag ng SAKSI Ngayon hinggil sa desisyon ng pangulo.

Magugunita na noong nakaraang linggo ay sinabi ni Duterte na pwede nang alisin ang face shield, maliban sa ospital matapos itong ipanawagan ng ilang mambabatas.

Gayunpaman, kinontra ito ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) kaya inirekomenda ng mga ito sa pangulo na gawin pa ring mandatory ang pagsusuot ng face shield.

Pag-iwas sa Delta variant

Sa Talk to the People ni Pangulong Duterte, Lunes ng gabi, inihayag na bilang pagtugon sa maraming kaso ng Delta variant ng COVID-19, ipinayo ng health experts ang pagpapanatili sa paggamit ng face shield.

Sinabi naman ni Dr. Edsel Salvana ng Department of Health Technical Advisory group na ang strict protocols sa lahat ng borders ay kailangang maipatupad upang maiwasan ang community transmission ng Delta variant, na aniya’y maaaring makahawa ng 8 katao.

Sinabi pa nito na ang mga incoming travelers ay kailangan ilagay sa quarantine facility sa loob ng 10 araw.

Para naman kay Dr. Anna Ong-Lim, nakita sa pag-aaral na ang eye protection gaya ng face shield ay maaaring makapigil sa virus transmission.

Bunga nito, nagdesisyon ang pangulo, na mananatili ang face shield policy para sa indoors at outdoors upang maiwasan ang second wave ng coronavirus disease sa bansa.

“When I mentioned about the face shield I was only shooting the breeze with the congressmen. I never said with finality that we will do away with the face shield. I will agree with you considering that this D variant is very aggressive and it can proliferate in so much period of time,” giit ni Pangulong Duterte.

Gayunman, ayon kay Rep. Castro, malamang na palusot na lamang ang Delta variant para patuloy na pagastusin ang mamamayan sa face shield na wala umanong siyentipikong pag-aaral na nakatutulong para makaiwas sa COVID-19.

“Actually kulang ang medical evidences na magpapatunay na nakaka-prevent ito ng Covid. Actually, hirap huminga pag may mask may face shield pa,” ayon pa kay Castro.

Gayunpaman, dahil malaking negosyo umano ang nakataya sa face shield ay patuloy itong ipinagagamit, na dagdag na gastos lamang lalo na sa mahihirap na limitado o halos walang kita dahil sa pandemya.

Hindi nagbigay ng impormasyon ang mambabatas kung sino ang importer ng face shield na ibinebenta ng P35 pataas. (BERNARD TAGUINOD/(CHRISTIAN DALE)

196

Related posts

Leave a Comment