(FERNAN ANGELES)
TILA walang kapupuntahan ang giyera ng administrasyong Duterte laban sa droga dahil na rin sa baluktot na sistemang umiiral sa mga ahensiya at pangunahing pasilidad ng pamahalaan.
Isang halimbawa rito ang kaso ng isang Airport police na matapos mapasama sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte ay umangat pa ang posisyon.
Sa isang sipi ng liham na ipinadala ng Philippine Drug Enforcement Agency sa pamunuan ng Manila International Airport Authority na may petsang Oct. 14, 2020, kabilang sa mga nasa talaan ng mga sangkot sa kalakalan ng droga ang isang Joseph Eric Miranda.
Pagkumpirma ito sa inilabas ng pangulo na drug list, subalit ilang buwan ang nakalipas ay na-promote pang hepe ng Airport Police si Miranda.
Lumalabas na dati pala siyang naka-assign sa x-ray at iba pang restricted areas ng nasabing paliparan. Mula sa kanyang dating tokang magbantay ng mga kargamentong lumalabas at pumapasok sa bansa, naging punong tagapagpaganap pa ito ng inter-agency enforcement unit.
Sa kanyang pagkaka-promote bilang hepe ng Airport Police Security Inspection Team, siya na rin ngayon ang in-charge sa mga X-ray at inspectors. Bukod sa promotion, inisyuhan din siya ng high powered rifle at bullet-proof vest.
Buwan ng Oktubre noong isang taon nang nakiusap ang PDEA kay MIAA Assistant General Manager Romeo Labador para sa iba pang impormasyon hinggil kay Miranda.
Ayon sa PDEA, kabilang sa talaan ng mga sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot si Miranda. Ang nasabing drug watchlist ay inendorso ng pangulo sa nasabing ahensya ng mandato’y sugpuin ang droga sa buong bansa.
Naging isyu bentahe ng noo’y Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang kanyang pangakong wawakasan ang ilegal na kalakalan ng droga sa bansa. Sa pag-upo ni Duterte agad na sinimulan ang madugong giyera kontra droga na humantong sa pagkamatay ng hindi bababa sa 6,000 katao, batay na rin sa datos ng pamahalaan.
Hagip din sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte ang hindi na mabilang na opisyales ng gobyerno. Kabilang sa mga kontrobersyal na personalidad na nananatiling nakapiit bunsod ng pagkakasangkot sa ilegal na droga ay si Senador Leila De Lima.
Kamatayan din ang kinahantungan ng hindi bababa sa 54 local officials na sinasabing nangamatay sa engkwentro bunsod ng anti-illegal drug operations.
Ayon naman sa mga empleyado ng MIAA, dumaranas ng matinding demoralization ang hanay nila dahil sa anila’y garapalang aktibidades ng ilang tiwaling opisyal ng kanilang ahensya.
351 