INTEL NG IMMIGRATION PALPAK O PUMAPALPAK?

LABINDALAWANG Chinese ang inaresto ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) ilang araw na ang nakalilipas.

Ayon sa SPD, pito sa kanila na sina Huang Long, Zhang Xiao, Yang Fang, Wang Lin, Fang Fang, Wei Xiao Ming at Yang Fan ay naaresto ng mga pulis sa Lungsod ng Pasay noong Hunyo 16.

Ang krimeng kinasangkutan daw nila ay pagkidnap sa kapwa Chinese na si Zhao Long.

Si Zhao at ang mga ­kapwa niya Chinese ay pare-parehong nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Kinabukasan, limang Chinese naman ang nasakote sa Lungsod ng Parañaque dahil sa pangingidnap kay Yang Xiang Yu, ayon sa SPD.

Ang mga nahuli ay sina Li Yang, Zhou Hao, Liu Kie Yong, Zhang Jiao Hao at Qui You Bo.

Ilang araw na ang nakalilipas, nalaglag sa mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang Koreanong si Kim Byunggon.

Batay sa rekord ng BI, si Kim ay matagal na sa Pilipinas.

Marahil, nagtatago ang ­naturang dayuhan dahil mayroon itong kaso sa South Korea.

Hindi lang ngayon nagkaroon ng problema ang Pilipinas hinggil sa mga dayuhang namamalagi rito sa ating bansa, kundi matagal na.

Ang madalas na iniuulat ng iba’t ibang yunit ng Philippine National Police (PNP) ay mga Chinese na nagtatrabaho sa mga kumpanyang pasok sa POGO.

Pokaragat na ‘yan!

Kadalasan, kidnapping ang nagawang krimen ng mga Chinese laban sa kapwa nila Chinese.

Napakaraming dayuhan sa Pilipinas kung saan Chinese ang pinakamarami sa kanila.

Iba-iba ang diskarte sa pagpasok sa bansa ng mga dayuhan, lalo na ang mga Chinese.

Ang tanong dito ay: “Alam ba ito ng intelligence unit ng BI?”

Ikalawang tanong: “Mayroon bang rekord ang intelligence unit ng BI tungkol sa mga Chinese na nakapasok sa ating bansa, partikular na iyong nagtatrabaho sa mga kumpanya ng POGO?”

Dapat, mayroong rekord ang naturang yunit dahil bahagi ito ng trabaho ng mga opisyal at kawaning nakatalaga rito.

Dapat, pinaghuhusayan ng mga opisyal at kawani ng intelligence unit ng Immigration ang kanilang trabaho upang siguradong walang ilegal sa mga dayuhang naririto sa ­ating bansa, lalo na ang mga Chinese.

Sana, hindi palpak ang intelligence unit ng Immigration, o kaya huwag namang panay palakpak ang mga opisyal at kawani rito.

Sa pagpasok ng mga Chinese sa Pilipinas, nararapat lamang na matiyak ng BI na matagal-tagal na ring pinamumunuan ni Commissioner Jaime Morente na walang nakalusot, walang pinalusot at wala ring palulusuting dayuhan na walang kaukulang mga dokumento.

Mayroon kasing mga taong nagsasabi na mayroong yunit, o dibisyon, sa BI na ­kumikita umano ang ilang opisyal nito ng limpak-limpak na salapi kada ‘ulo’ ng dayuhang pumapasok sa Pilipinas.

Pokaragat na ‘yan! Limpak-limpak na salapi?!

Dapat, matumbok ng ­intelligence unit ng Immigration ang mga korap sa ­ahensiyang ito upang matigil na ang ­garapalang korapsyon dito.

196

Related posts

Leave a Comment