PANDEMYA SA HUDIKATURA

SINIGURO ni Supreme Court Chief Justice (CJ) ­Alexander Gesmundo na mabantayan ang kalusugan ng mga kawani ng hudikatura laban sa COVID – 19.

Ito ang inihayag ng nasabing bagong upong CJ sa kanyang kauna-unahang “virtual” na pulong-balitaan sa mga ­Justice beat reporter, kasabay sa pagdiriwang ng ika-120 taong anibersaryo ng hudikatura.

Sabi ni Gesmundo, umabot sa halos dalawang libo ang nahawahan ng COVID – 19 na mula sa 1,994 na mga ­empleyado ng hudikatura ay 1,846 ang gumaling, o recoveries, pero 33 ang mga namatay at 115 na lang ang aktibong kaso.

Sinabi rin ni Gesmundo na isinama ng Korte Suprema ang mga judiciary employee sa A4 priority para sa ­COVID – 19 vaccination na mayroon ding ayudang pinansyal para sa mga hukom at kawani na naospital dahil sa COVID – 19.

Inihayag din ni Gesmundo na sa kabila ng COVID – 19 pandemic, matagumpay na nakapagdaos ng mga videoconferencing hearing ang judiciary.

Batay sa datos na inilabas noong June 4, nakapagdaos ang mga korte ng 327,991 videoconferencing hearings, o katumbas ng 87.57% success rate.

Dahil sa video conferencing, nakapagpalaya ang hudikatura ng 90,040 na persons deprived of liberty (PDLs) at 1,217 children in conflict of the law.

***
SAMANTALA, dahil sa SAKSI Ngayon ay nagkaroon ng pag-asa ang mga North Quezonian, partikular ang Island Municipalities na mabibigyan na rin sila ng pansin sa paglaban sa COVID – 19 na dati’y nadismaya sila dahil sa diumano’y malamyang pagtugon ng mga opisyal ng lalawigan.

Ayon kay Island Municipality’s Panukulan Quezon Mayor Alfred Rigor Mitra, mayroon nang nakarating na bakunang Sinovac at AstraZeneca sa kanilang munisipyo na kaagad nilang itinurok sa mga taong kabilang sa A1 at A3 categories.

Sabi ni Mayor Mitra, umaabot pa lamang sa 240 ang nabakunahan sa kanyang nasasakupan dahil ‘yung iba ay mayroon pang ­agam-agam sa bakuna dahil sa mga ­negatibong ulat ukol dito.

Gayunpaman, pinasalamatan ni Mitra ang mga opisyal ng Quezon, partikular ang ­Integrated Provincial Health Office (IPHO), dahil nakarating ang mga bakuna sa Panukulan.

Sabi ni Mitra, bagama’t mayroong 61 active cases ng COVID – 19 sa Panukulan ay kaagad nila itong inaksyonan at ngayon ay zero na sa ­COVID – 19 ang kanilang bayan.

Batay sa datos, umabot sa 14,390, katao ang tinamaan ng pandemya sa Quezon kung saan 12,663 ang gumaling, samantalang 1,114 ang active cases at nadagdagan ng 13 ang bilang ng mga nasawi, kaya umabot sa 613 ang namatay sa COVID – 19 sa lalawigan.

189

Related posts

Leave a Comment