NAKABAWI si 2006 Doha Asian Games 9-ball singles silver medalist Jeff De Luna sa pagkatalo sa local campaigner na si Dean Mark Castronuevo sa ginaganap na 1st Quezon City 10-Ball Open sa Hard Times Sports Bar, sa nasabing lungsod.
Umahon sa loser’s bracket si De Luna upang makasama sa walong iba pang cue artists na nakapasok sa elimination round para sa Group A ng torneo, na inorganisa ng local government unit sa hangaring makadiskubre ng mga bagong pool legends nakakatawan sa bansa sa international competitions. Nagsimula nitong Hunyo 21, magtatapos ang 10-Ball Open sa Hunyo 27.
Itinala naman ng professional billiards player na si Castronuevo na mula San Narciso, Zambales ang ikalawang panalo sa torneo. Una niyang tinalo si De Luna at pagkaraan ay isinunod si Renemar David upang okupahan ang isang silya sa susunod na labanan.
Ang iba pang cue artists na umusad sa susunod na round ay sina Junreil Ferrer, Jerico Banares, Mark San Pedro, Michael Quinay, Bryant Saguiped at Renemar David.
Kabilang din sa mga kalahok sa nasabing torneo ang dating World Pool champions Django Bustamante at Ronato Alcano, national team member Roberto Gomez, Antonio Lining, Marlon Manalo at Johann Chua. (ANN ENCARNACION)
353 