OFWs IUWI SA KANILANG MGA PAMILYA

HALOS magkakasunod ang aking natanggap na liham na humihingi ng tulong para sa mga OFW na may malubhang karamdaman.

Kabilang ang pamilya ni Romano Domingo na OFW sa Jeddah, Saudi Arabia.

Dumating sa Saudi si ­Romano noong Agosto 8, 2017.

Maayos ang pinagtatrabahuan niyang pamilya bilang family driver.

Ngunit, may malungkot na balitang natanggap kamakailan ang kanyang pamilya na sinabing si Romano ay inatake sa puso at na-stroke.

Ayon sa kanyang anak na si Lawrence Domingo: “Na-stroke po ang aking tatay at siya ay naparalyze ang kalahating katawan at lubhang naapektuhan ang kanyang pagsasalita”.

Ayon kay Lawrence, kasa­lukuyang nasa Rabigh Jeddah Hospital ang kanyang ama.

At lubha silang nababahala dahil kanilang nabalitaan na walang nag-aaruga o nagbabantay sa kanyang ama.

Dahil dito, nakiusap si Lawrence na tulungan ang kanyang ama na matulungan at malaman ang tunay na kalagayan nito.

Hiniling din ni Lawrence na makauwi sa lalong madaling panahon ang kanyang ama sa Pilipinas upang sila na ang mag-alaga at masigurong siya ay mapapagamot.

Ang AKOOFW ay agad na nakipag-ugnayan kay Overseas Workers Welfare ­Administration (OWWA) Director Connie Marquez.

Mabilis na nakipag-ugna-yan si Director Marquez kay OWWA Welfare Officer James Mendiola na kung saan ay nag-ulat ito na tinawagan niya sa telepono ang employer ni ­Romano at nangako itong magtutungo sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Jeddah upang makipag-ugnayan sa kalagayan ni Romano.

Siniguro rin ng employer na kanyang bibigyan ng exit visa si Romano upang makauwi ito sa Pilipinas.

Samantala, dumulog din sa AKOOFW ang kamag-anak ni Grace Dumagkal upang sila ay matulungan na mapauwi ang bangkay ng huli.

Ayon sa anak ni Grace na si Zaiden Dumagkal, nabalitaan niyang namatay ang kanyang ina matapos itong ma-comatose.

Ang mas labis na ikinasama ng kanyang kalooban ay hindi agad naipaalam sa kanila ang pagkamatay nito.

Nakiusap si Zaiden na tulungan siyang makakuha ng compassionate visit visa upang kanyang mapuntahan ang kanyang ina bago ito ­ilibing.

Idinulog ko ang kahilingan ni Zaiden sa Philippine ­Embassy – Assistance to National Unit (ATNU) sa Saudi Arabia upang mapagbigyan ang kahilingan ni Zaiden.

Ngunit, ipinauna ko sa kanya at sa kanyang pamilya na mistulang suntok sa buwan ang ganitong kahilingan.

298

Related posts

Leave a Comment