PINALAYANG ‘PUSHERS’ BALIK SA PAGTUTULAK

suko

(NI JUN V. TRINIDAD)

LUCENA CITY – Marami umano sa mga drug convict na pinalalaya ng husgado sa pamamagitan ng “plea bargaining agreement” ang muling nagbabalik sa pagbebenta ng shabu dahil sa kawalan ng legal na alternatibong trabaho pagkatapos na makalabas ng kulungan.

“Kung paglabas sa jail ay wala namang ibang legal na pagkikitaan para buhayin ang sarili o ang pamilya, kaya balik drug-pushing ang karamihan,” ang pahayag ng isang opisyal ng pulis sa lalawigan ng Quezon na humiling na huwag banggitin ang kanyang pangalan sa balita.

Sinisisi ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan sa kawalan umano ng matapat na pagmamalasakit sa mga biktima ng iligal na droga.

Noon aniyang nagkaroon ng mga mass surrender ang mga drug users at pushers sa pagpasok ng administrasyong Duterte ay “pulos matatamis na pangako ng pagtulong ang binitawan ng mga opisyal ng pamahalaan”.

“Pero pagkatapos magpalitrato sa media kasama ang mga sumuko, iniwan na lang sila. Nalimutan na ang pangakong tulong na trabaho,” ang pitik ng galit na pulis.

Bagamat merong mga “drug rehabilitation program” ang karamihang lokal na pamahalaan, hindi  aniya ito sapat para tugunan ang problema ng “kalam ng sikmura at iba pang basehang pangangailangan ng pamilya”.

“Ang kailangan ng mga tulak ay trabaho, ayudang pinansyal at suportang moral sa pagsisimula nilang magbago,” ang paliwanag ng pulis na beterano sa drug operations.

Noong nakaraang taon ay pinayagan ng Korte Suprema ang “plea bargaining agreement” o pagpapalaya sa mga suspek na kaunting droga lang ang sangkot sa kaso. Ito ay upang mabawasan na rin ang nagsisikip na mga kulungan sa buong bansa dahil sa mga kaso sa droga.

Sa lalawigan ng Quezon ay mahigit na 1,000 drug suspects ang nakalaya sa ilalim ng direktiba ng Supreme court.

Sa survey ng Social Weather Station kamakailan, kokonti na lang daw ang mga drug users sa paligid batay sa tugon ng mga sinurvey.

Pero sa araw-araw na police journal mula sa Quezon police headquarters ay hindi naman maawat ang report tungkol sa mga natitimbog na drug pushers.

“Maski na kokonti na lang ang mga gumagamit ng droga, patuloy na may magbebenta at maghahanap ng bibili dahil sila yung mga walang trabaho na tanging ang pagtutulak ang ikinabubuhay,” ang paliwanag ng pulis.

“At dahil tukso ang droga, may mga mabibiktima pa rin at magpapatuloy ang merkado,” dagdag pa niyang paliwanag.

Sa report ni Senior Supt. Osmundo de Guzman, Quezon police director, nasa 5,084 na mga hinihinalang drug pushers ang nasakote simula July 1 hanggang January ng kasalukuyang taon.

At nasa 73 ang pinakahuling bilang ng mga napapatay sa buy-bust operations dahil “pumalag sa aresto at nanlaban” sa pulis.

 

 

 

132

Related posts

Leave a Comment