DEBATE AT DRAMA NI PANGULONG DIGONG

NARINIG ko na naman ang katagang debate mula sa labi ni Pangulong Mayor Rodrigo “Digong” Roa Duterte.

Noong Miyerkules, mu-ling lumabas ang naturang kataga mula kay Pangulong Digong nang upakan niya si dating Senador Antonio ­Trillanes IV, ang “tinaguriang sundalong kanin”ng ilang opisyal ng administrasyon.

Ito ‘yung eksaktong sinabi niya kay Trillanes: “daldal nang daldal lang ‘yan, hindi naman lumalaban sa debate ‘yan”.

Mahilig maghamon ng debate si Pangulong Digong laban sa mga kumakalaban sa kanyang administrasyon, subalit kapag tinanggap naman ang kanyang hamon ay ‘di naman kumakasa!

Sabi nga ng mga host ng Eat Bulaga: Ang ­tanoooooonnnng… Bakit??

Natatandaan n’yo ba si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na kritiko ng administrasyon na kumagat sa hamon ni Pangulong Digong sa isang debate kaugnay ng masalimoot na usapin sa West ­Philippine Sea (WPS)?

Wala pong nangyaring debate, alam n’yo na marahil kung bakit.

Marami ang nadismayang Filipino kay Pangulong Digong noon dahil hindi nito napanindigan ang kanyang hamon kay Carpio.

Kaya, marami ang nagtanong kung talaga bang ­kayang ipaglaban ni ­Pangulong Digong ang karapatan ng bansa laban sa China na kumakamkam ng ilang isla na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) sa WPS.

Siguro, mahilig lang sa “drama” si Pangulong Digong?

Kasi nga, noong lumaban siya sa pagkapangulo noong 2016 ay ­maraming palabas, o drama, ang nangyari bago niya ­tuluyang tanggapin ang hamong tumakbo bilang ­pangulo ng bansa.

At ngayong papalapit ang national at local elections ay mayroon na namang drama na pinalulutang si Pangulong Digong.

Baka naman nagpapadama lang siya?

Matatandaang sinabi nito na pagkatapos niyang manungkulan ay hindi na siya kakandidato pa dahil siya ay pagod na, pero, subalit, datatpuwat biglang nag-360 ­degrees turn ito makaraang sabihin nito na ­ikinukonsidera niya ang pagtakbo bilang pangalawang pangulo sa darating na halalan, drama na naman?!

Kung sakaling totoo at hindi drama ang pinalulutang ni Digong na tatakbo siya ­bilang vice president ay tama pala ‘yung ipinapalutang ng kanyang mga kapartido na “Duterte-Duterte” sa 2022.

Kaya pala inuupakan na niya si Senator Manny ­Pacquiao dahil alam niya na tatakbo itong pangulo.

Ang masasabi ko lang, iba talaga ang idinudulot sa tao ng kapangyarihan dahil nawawalan ng kahit ­kaunting delikadesa.

Kaya, nasa kamay, o desisyon, ninyo mga ka-SAKSI kung sino ang tingin ninyo na nararapat na mamuno sa ­ating bansa sa mga darating na taon.

368

Related posts

Leave a Comment