(BERNARD TAGUINOD)
HINDI lang political dynasty ang itinatayo ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte kundi monarkiya sa bansa dahil sa inilulutang na tambalan nila ng anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 2022 presidential election.
“Higit pa nga yata sa dinastiya ang gusto nila, it looks as if they are trying to establish a monarchy, passing on and expanding their power by bastardizing our elections,” ani Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos umanong sabihin ng spokesman ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) na si Anthony Del Rosario na ng Duterte-Duterte tandem kung sakali ay hindi paglabag sa probisyon sa Saligang Batas laban sa political dynasty.
“Sinusubukan ni Del Rosario na palusutan ang konsepto ng pagbabawal sa dinastiya sa pagsasabi na may eleksyon naman at may kalayaan naman ang mamamayan na pumili, but the Constitution’s prohibition on political dynasties must be read in the context that we have a republican system and a popular election,” ayon sa mambabatas.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na sa loob ng mahigit tatlong dekada, ang pamilya ni Pangulong Duterte ang nagpapalitan lamang sa pamumuno sa Davao City.
Laging kapalitan nito ang kanyang anak na si Mayor Sara bilang mayor ng Davao City kapag natatapos ang kanyang tatlong sunod na termino subalit lumawak sa buong bansa ang kanilang political power nang maging pangulo ito noong 2016.
Gayunpaman, sinabi ni Gaite na hindi lang political dynasty ang tinutumbok ngayon ng pamilyang Duterte dahil nais nitong ipamana sa kanyang anak ang presidential seat sa 2022, na isang konsepto ng monarkiya.
“Obviously, this family is willing to throw away our Constitution in the trash just to remain in power. Is this the kind of leadership that we want? Pamumunong walang respeto sa Saligang Batas, pamumunong ganid sa kapangyarihan?” ayon pa sa mambabatas.
