3K WPD COPS IDI-DEPLOY SA SONA NI DIGONG

TATLONG libong mga tauhan ng Manila Police District ang itatalaga sa iba’t ibang “protest zone” sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 26.

Ayon kay Capt. Philipp Jose Ines, chief ng MPD Public Information Office, idi-deploy ang mga pulis Maynila sa Chino Bridge na dating Mendiola, sa Liwasang Bonifacio, US Embassy, at sa Supreme Court (SC) na puntirya ng mga raliyesta.

Nabatid na sa kabila na wala namang banta sa national security, ilalagay ang MPD sa full alert status.

Gayunman, inatasan ni MPD Director P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco ang Task Force commanders na paghandaan ang mga posibleng senaryo sa huling SONA ni Duterte.

Nagbabala ito sa mga ralyista na huwag nang magdaos ng mga kilos protesta sa harap ng banta ng Delta variant ng COVID-19.

Ipatutupad aniya sa Maynila ang “No permit, no rally policy” ngunit paiiralin ang maximum tolerance sa mga raliyista.

Mas mainam kung isagawa na lamang aniya ng militanteng grupo ang kanilang aktibidad ‘virtually’. (RENE CRISOSTOMO)

144

Related posts

Leave a Comment