PERA NG BAYAN INANOD KASAMA NG ‘WHITE SAND’

(FERNAN ANGELES)

HINDI umubra ang ipinagmamalaking “engineering interventions” sa patuloy at paulit-ulit na pagkaubos ng pinulbos na dolomite rocks na ginamit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa layuning magmukhang Boracay ang isang bahagi ng Manila Bay sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Maynila.

Sa larawang naglabasan sa social media, lumalabas na muling tinangay ng malalakas na alon pabalik sa laot ang mga artificial sand na isinaboy ng DENR sa maliit na bahagi ng Manila Bay.

Sa nasabing proyektong patuloy na umaani ng batikos, gumastos na ang pamahalaan ng hindi bababa sa P654 milyon para sa Phase I and Phase 2 nito – hindi pa kasali ang mga halagang pinangtustos para sa pagsasaayos ng nasabing proyekto sa tuwing aanurin ito patungo sa laot.

At sa pananalasa ng bagyong Fabian na sinabayan pa ng Habagat, inaasahang muling kakailanganin ang panibagong pondo para “hindi masayang” ang P654 milyon na una nang ginastos dito.

Flagship Project

Ang kontrobersiyal na Dolomite Beach ay bahagi ng proyekto ng DENR sa hangaring i-rehabilitate ang Manila Bay. Pasok din sa nasabing flagship project ang regular na paglilinis ng estero at pagpapatayo ng mga sewage treatment facilities.

Batay sa pahayag ng DENR, ang pagsasaayos ng kalidad ng tubig sa Manila Bay ay isinagawa bilang tugon sa Writ of Continuing Mandamus” na ipinalabas ng Korte Suprema.

Nauna nang sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na hindi dapat ibinbin pa ang proyekto bunsod na rin ng mga pag-aaral na nagsasabing nasa kritikal na antas na ang kalidad ng tubig ng nasabing laot na higit na kilala sa kakaibang tanawin sa tuwing palubog na ang araw.

Paliwanag pa ng kalihim, masyadong mataas ang fecal coliform sa mga bahagi ng laot na sakop ng Baywalk area, Estero de San Antonio Abad at Baseco sa Maynila.

Pagmamalaki pa ni Cimatu, mula nang kanilang umpisahan ang Manila Bay rehabilitation project, malaki na ang ibinaba ng antas ng fecal coliform sa bahagi ng Baywalk area. Katunayan aniya, mayroon na lamang itong antas na 2,211,833 most probable number per 100 milliliters (MPN/100ml), kumpara sa 5,666,213 MPN/100ml na naitala noong 2019.

Kumokolekta rin aniya sila ng hindi bababa sa 60 metriko tonelada ng basura araw-araw sa mga baybaying bahagi nito. Sa kanyang pagtatala, hindi bababa sa 24,471.30 metriko tonelada ng basura ang kanilang nakolekta mula 2019.

Babala ng mga Eksperto

Una nang umani ng pagtuligsa ang administrasyon nang ituloy nito ang Phase 1 ng tinaguriang Baywalk project na inilunsad noong Mayo 2020 — sa gitna ng mga naghuhumiyaw na panawagan ng milyon-milyong Filipino para sa ayudang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kabila pa ng mahigpit na pagtutol ng mga ekspertong kasapi ng AGHAM o Advocates of Science and Technology for the People, itinuloy ang Phase 1 na nagkakahalaga ng P389 milyon habang maraming Filipino ang dumaraing ng ayuda lalo pa’t hindi pinahihintulutan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na makapagbalik-operasyon ang mga negosyo, gayundin ang pagbabalik trabaho ng mga manggagawa.

Babala ng mga eksperto at inhinyero mula sa pribadong sektor, aanurin lamang ng alon pabalik sa laot ang mga ginastusang dolomite sands – na siya mismong nangyari makaraang salantain ng sunod-sunod na bagyo ang Metro Manila noong mga buwan ng Oktubre, Nobyembre at Disyembre ng nakalipas na taon.

Dahil dito, agad namang niremedyuhan ng nasabing kagawaran ang pagkasira ng proyekto sa pamamagitan ng muling pagtatambak ng pinulbos na dolomite rocks sa naturang bahagi ng Baywalk area.

Walang detalyadong paglalahad ang DENR hinggil sa halaga ng pagkukumpuni ng artificial beach sa Manila Bay, bagamat ayon sa mga inhinyero mula sa pribadong sektor, mahina ang P50 milyong gastusin sa tuwing aanurin ng alon at red tide ang depositong artificial white sand.

Ang Phase 2 ng dolomite beach project ay isinakatuparan naman nitong Abril ng kasalukuyang taon. Ang halaga – tumataginting na P265 milyon.

Sayang lang ang Salapi

Sa isang pahayag, tahasang sinabi ng agham na pagsasayang lamang ng limitadong pondo ang nasabing proyekto.

“Malinaw na nagtatapon lamang ng salapi ang gobyerno sa karagatan,” saad ng AGHAM.

Anila, mas mainam na gamitin ang pondo ng naturang proyekto para sa patuloy na dumadaming bilang ng mga pamilyang lubos na naapektuhan ng pandemyang higit na kilala bilang COVID-19.

“Ang higit na mahalaga ngayon ay ang matugunan ng gobyerno ang lumalaking suliranin ng mga Filipino dahil sa kabiguan ng government pandemic response ng administrasyong Duterte. Mas mainam kung gagamitin ang pondo ng dolomite beach project sa programa ng pamahalaan sa kalusugan,” ayon sa AGHAM.

Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na malaking tulong sa “mental health” ng mga Filipino ang “white sand” beach sa Manila Bay.
Sagot naman ng AGHAM, isang malaking insulto sa mga Filipino ang nasabing proyekto at hindi rin umano ligtas sa anomang recreational activities tulad ng swimming ang Manila Bay na anila’y nasa “dangerous levels of coliform.”

Sapul na naman ng Bagyo

Nitong nakaraang linggo muling sinira ng malalakas na alon dulot na walang puknat na pag-ulan dala ng bagyong Fabian at sinabayan pa ng Hanging Habagat ang dolomite beach project ng DENR.

Bukod sa pagkaanod ng mga artificial beach sands, sumambulat din ang tone-toneladang basura sa mismong artificial beach ng DENR sa Baywalk area sa Maynila.
Inumpisahan nang linisin ang nasabing lugar ng mga basurang inanod mula sa ibang baybaying lokalidad sa paligid ng Manila Bay, at inaasahang agad na kukumpunihin ang nasabing pasyalan upang maibalik ito sa dating anyo.

Gayunpaman, wala pang pahayag ang DENR kung magkano ang kakailanganing karagdagang pondo para ibalik ang “ganda” ng nasabing bahagi Manila Bay.

Sa tantiya ng mga eksperto, mas malaki pa sa P50 milyon dahil sa mas malawak na ito kaysa sa dati.

‘Biggest Nonsense Project’

Ganito naman inilarawan ni Deputy Speaker Lito Atienza ang dolomite project ng DENR.

Ayon kay Atienza, halos kalahating bilyon na umano ang ginastos ng gobyerno sa proyekto na ipinagpapatuloy pa rin kahit ilang beses nang inanod ang itinambak na dolomite sa Manila Bay.

Bago ang ilang araw na pag-ulan sa Metro Manila ay muling tinambakan ng DENR ng dolomite ang Manila Bay subalit noong Linggo, ipinakita sa social media na muli itong inanod at natambakan ng mga basura.

“I said it before… im saying it again! DENR is wasting people’s money in that project. Matigas ang ulo nila,” ani Atienza na kabilang sa mga tumutol sa nasabing proyekto dahil pagsasayang lamang umano ito ng pera ng bayan.

Gayunpaman, ipinagpatuloy pa rin aniya ng DENR ang proyekto kaya muling nawalan ng pera ang taumbayan matapos anurin muli ang bagong itinambak na dolomite.

Maging sa social media ay binabakbakan ng netizens ang DENR dahil imbes na gamitin umano ang pera para sa bakuna ay ipinaanod lamang ito ng nasabing ahensya.

Sinabi ng mambabatas na ang dapat gastusan ng DENR ay ang paglilinis sa tubig sa Manila Bay dahil ito ang iniutos ng Korte Suprema. Nananatili aniyang pinakamalaking pozo negro ang nasabing karagatan.

“What we should clean is the water of the bay which remains biggest pozo negro! Septic tanks of metro area still flows into the bay. Supreme Court ordered cleaning of the water of the bay and NOT creating a white sand beach!,” ayon pa sa mambabatas. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

290

Related posts

Leave a Comment