Ni ANN ENCARNACION
DESIDIDO si Nesthy Petecio na maging kauna-unahang Pilipinong boksingero na magbubulsa ng Olympic gold medal sa kanyang pakikipagtuos ngayon (Agosto 3) kontra hometown bet Sena Irie sa women’s featherweight (54-57kg) final competition sa Kokugikan Arena.
Ganap na 1:05 ng tanghali ang sagupaan nina Petecio at Irie ng Japan. Ang mananalo ang mag-uuwi ng gold habang silver medal sa matatalo.
Huling nakakuha ang bansa ng pilak sa Olympic boxing ay 25 taon na ang nakalilipas (1996 Atlanta) kaloob ni Mansueto “Onyok” Velasco.
Ilang ulit nang naglaban ang Pinay na 2019 AIBA world champion at si Irie. Pinakahuli nilang paghaharap ay sa Asia and Oceania Olympic Boxing Qualifiers sa Amman, Jordan kung saan natalo si Petecio sa quarterfinals, dahilan kaya’t nabigo siyang otomatikong mag-qualify sa Tokyo Games.
Ngunit dahil sa mataas pa rin ang ranking niya sa Olympic Boxing Task Force, siyang namamahala ngayon sa sports matapos suspindehin ang AIBA, nabigyan si Petecio ng tsansang makapasok sa 2020+1 Olympics.
“Hindi ko na po iniisip kung anuman na matatala na kasaysayan,” pahayag ni Petecio. “Basta ako po, lalaban para sa bayan at sa bansang Pilipinas.”
Humingi rin siya ng panalangin sa mga kapwa Pilipino para sa pinakamabigat na laban niya bilang boksingera. “Tulungan n’yo na lamang po ako sa panalangin n’yo.”
PEKENG FB ACCOUNT
Pinaalalahanan naman ni Petecio ang lahat na mag-ingat at huwag magpaloko sa mga kumakalat na pekeng Facebook at iba pang social media account niya.
Kasabay nito, nakiusap ang 29-anyos na boksingera mula Davao City na agad ireport sa mga kinauukulan kung mayroon silang ma-encounter na ganito.
“Paki report po please…hindi po ako yan, hindi ko po account yan po.. salamat po sa tulong.”
Ayon kay Petecio, may dalawang FB account ang iginiit niya na hindi sa kanya, at naniniwala siya na may iba pang social media accounts na ginagamit ang pangalan niya.
119 