NASILAT ng kapwa dehadong Zamboanga City at Petra-Cement Roxas ang kani-kanilang top ranked rivals sa Game 1 ng best-of-three semifinal phase ng 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao leg Linggo sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Naungusan ng No.5 ranked Zamboanga City ang paboritong No.2 seed Clarin Sto,Niño, 70-68, habang pinataob ng No. 4 seed Petra Cement-Roxas ang third-ranked home team Pagadian, 78-67.
Target ng Zamboanga at Roxas na tuldukan ang serye at maisaayos ang duwelo para sa karapatan na kaharapin sa Finals ang naghihintay na Basilan sa pagsabak sa Game 2 ngayong Lunes ng gabi.
Mula sa huling pagtabla sa 66, nangibabaw ang tikas ni Jerome Ferrer sa final period sa naiskor na krusyal basket mula sa pasa nina Mac Cardona at Fran Yu sa nalalabing 1:17 minuto.
Nakabawi ang Clarin mula sa free throw ni Joseph Eriobu at nakakuha ng pagkakataon na maipanalo ang laro matapos ang 24-second shot clock violation ng Zamboanga, 19.2 segundo ang nalalabi, ngunit sablay ang buzzer-beater three ni Carlo Lastimosa.
Samantala, naghabol ang Explorers at nagawang maibaba ang 19 puntos na kalamangan ng Vanguards sa 57-62. Ngunit, kumana ang Roxas ng 10-2 blitz para muling makaarya tungo sa impresibong panalo sa pangunguna ni James Castro na may 19 puntos, pitong assists, anim na rebounds at dalawang steals.
139 