PAGTAAS NG PRESYO NG BILIHIN AWAT MUNA

NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa Department of Trade and Industry na ibimbin muna ang inaprubahan nilang hirit ng manufacturers na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin noong July.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang tinatayang nasa 3% hanggang 5% na pagtaas sa presyo ng bilihin ay hindi isang maliit na bagay para sa mga manggagawang arawan ang sweldo at walang kikitain sa panahon ng dalawang linggong lockdown simula sa Biyernes para makontrol ang pagkalat ng mas mabangis na Delta variant.

“Kailangan nating tulungan na mapababa ang gastusin ng bawat pamilya dahil ang inaasahang ayuda ay limitado lang at pautay-utay ang distribusyon nito. Sino ang makakaalam sa resulta ng bagong lockdown at gaano katagal na mahihinto ang pagkita ng mga maliliit na manggagawa?” ani Marcos.

“Sana agahan yung ayuda para makapamili na ang tao at maiwasan ang panic buying na nangyayari ngayon, pati ang pagpila sa SAP (social amelioration program) at tuluyang paglabag sa lockdown,” dagdag ni Marcos.

Sa mga price survey na isinagawa ng tanggapan ni Marcos sa mga sari-sari store at mga supermarket sa Metro Manila, ipinakikita na ang tipikal na food products na binibili ng mga mga ordinaryong pinoy tulad ng sardinas, mga canned meat, instant noodles, kape at gatas ay tumaas na ng kinse sentimos hanggang piso. (ESTONG REYES)

203

Related posts

Leave a Comment