(NI NOEL ABUEL)
TAPOS na ang nangyayaring palakasan system na nangyayari sa Social Security System (SSS) ngayong ipinasa na ang bagong SSS Act of 2019.
Ito ang sinabi ni Senador Richard J. Gordon kung saan isinasaad sa Republic Act 11199 o ang SSS Act of 2019 ay magsisilbing susi para mawakasan na ang “palakasan” system sa itinatalagang bagong miyembro ng nasabing state pension fund.
Ayon pa kay Gordon, chair ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises, hinihingi sa RA 11199 na dapat na may mga kasanayan ang dapat na maitalaga sa nasabing ahensya upang maproteksyunan ang malaking perang nakokolekta nito.
“One of the key amendments in the new Social Security Law is the inclusion of qualifications and standards in the selection of the members of the Social Security Commission, the policy-making Board of the SSS. Now members will no longer be appointed merely on the basis of palakasan system,” sabi pa nito.
Sa ilalim ng RA 11199, ang bagong SSS Commission ay bubuuin ng kalihim ng Department of Finance (DOF) bilang bagong ex-officio SSC chairman, habang ang tatayong SSS president/CEO ay magiging vice-chairman at ang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay magiging ex-officio member.
“Napakalaki ng responsibilidad ng Social Security Commission. Sila ay may fiduciary responsibility para pangalagaan at palaguin ang pera ng bayan. Nararapat lamang na ang mga taong ilalagay natin sa Social Security Commission ay kwalipakado, may karanasan at eksperto sa larangan ng Social Security,” dagdag pa ni Gordon.
262