NAKALULUNGKOT na natabunan ang maraming kabutihan na nagampanan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng dahil lamang isang porsiyento ng gawain na kinukwestiyon ng Commission on Audit (COA).
Kamakailan, nagpatawag si OWWA Administrator Hans Cacdac ng informal meeting sa mga private sector member ng Board of Trustees na aking kinabibilangan. Dito ay aming pinag-usapan ang ibinigay na audit report ng COA ukol sa paggamit ng pondo ng OWWA.
Masaya kaming lahat ng aming mabasa ang nasabing report, dahil sa halos 99.9 porsiyento ng pondo ng OWWA mula sa General Appropriation at sa trust fund nito ay malinaw na tama ang paglalabas ng pondo at lahat ay tugma sa patakaran.
Ayon pa nga sa commendation report ng COA, “COA commended the efforts and services of the OWWA officers and employees headed by its Administrator in responding to the needs of repatriated/displaced OFWs due to the COVID 19 Pandemic”.
Idinagdag din sa Independent Audit report, “COA opined that OWWA Consolidated financial statements as of 31 December 2020 was presented fairly, in all material aspects, and its consolidated financial performance, consolidated charges in net assets/equity, consolidated cash flows, comparison of budget and actual amounts, and notes to consolidated financial statements for the year then ended are in accordance with the International Public Sector Accounting Standards (IPSAS) with corresponding Philippine Application Guidance(PAG)”.
Ito na ang pinakamataas na pagpupuri ng COA sa ginagawa nilang audit report na tinamasa ng OWWA dahil sa istriktong pagbabantay ng ahensya sa pondo nito. Batid kasi ng OWWA na ang ponding hawak nito ay mula sa dugo at pawis ng mga OFW na nag-ambagan para lamang magkaroon ng pondo ang ahensya.
Ngunit ang lahat ng kabutihan na nagawa ng OWWA sa pag-iingat ng pondo nito ay natakpan ng isang report na patuloy na kumakalat sa social media ukol sa diumano ay pagbili ng napkin at iba pang kagamitan na ibinahagi sa mga OFW na nasa quarantine facilities, na diumano ay binili sa isang hardware.
Ang usapin na ito ay nagmula sa isang recommendation at findings ng COA ukol sa ginawang paghawak ng pondo ni Deputy Administrator Faustino Sabarez na nagkakahalaga ng P1,500,000 cash advance na ipinagkatiwala sa kanya para sa mga pangangailangan ng OFWs na nasa quarantine facilities sa kasagsagan ng ECQ noong Marso 2020.
Binibigyan ng 6 months ng COA si Sabares upang itama o patunayan na wala itong ginawang paglabag o paglulustay sa pondo. Kaya pansamantalang hinihintay ang magiging kahihinatnan ng imbestigasyon ng COA at OWWA.
Sa usapin na ito marahil ay dapat din nating namnamin ang komendasyon ng COA na ipinagkaloob sa OWWA.
