HINDI na ikinagulat sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay ret. Gen. Antonio Parlade Jr. bilang Deputy Director General ng National Security Council (NSC).
“Inaasahan ko na ang pagtatalaga ng pangulo kay Parlade sa ano mang posisyon sa gobyerno dahil mahilig naman si Duterte mag-recycle ng basura,” pahayag ni ACT Party-list Rep. France Castro.
Si Parlade na dating South Luzon Command chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at miyembro ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay nagretiro sa serbisyo noong Hulyo.
Sinabi ng mambabatas, kailangan ni Duterte si Parlade upang maipagpatuloy nito ang kanyang misyon na sirain ang kanyang mga kritiko kasama na ang kanilang grupo lalo na’t malapit na ang eleksyon.
“Kilalalang rabid red-tagger si Parlade at komander ng paglabag sa mga karapatang pantao kaya naman pakikinabangan ito ni Duterte para lalo pang siraan ang oposisyon at Makabayan bloc ngayong panahon ng eleksyon,” ayon sa mambabatas.
Patunay rin umano ang pagpapatalaga ni Duterte sa NSC na mas pinagtutuunan ng pansin ang problema sa kanyang mga kritiko imbes ang pandemya sa COVID-19 lalo na’t patuloy ang pagdami ng kaso.
Dahil dito, inaasahan na umano ng mga ito ang mas matindi pang red-tagging activities sa mamamayan at grupo na nagpapahayag lang ng kanilang saloobin sa gobyerno.
“Ang pagtatalaga kay Antonio Parlade bilang National Security Deputy Director General ay walang ibang kahahantungan kundi ang mas matinding pagpapalaganap ng red-tagging laban sa human rights defenders, guro, magsasaka, abogado, manggagawang pangkalusugan, unyonista at kahit sinong mambatikos sa palpak na mga polisiya ng gobyerno,” ayon pa kay Castro.
Subalit ang ikinababahala ng mambabatas ay kung mauwi ito sa mas madugong operasyon laban sa mga kritiko ng administrasyon tulad ng mga aktibista na pinatay matapos umanong i-redtag ang mga ito ng NTF-ELCAC. (BERNARD TAGUINOD)
